MGA KONTROBERSIYAL NA ISYU, USO-USO LANG PERO NALALAOS DIN AT NATATABUNAN… EWAN LANG KUNG MAY NARESOLBA
Advertisers
Ang mga kontrobersuyal na usapin daw dito sa Pinas ay uso-uso lang at napapanahon nguni’t ito ay nalalaos din at natatabunan.
Napa-karaming mga isyung tinalakay sa kung saan-saan sangay ng gobyerno partikular na sa Senado at Kongreso na hanggang sa ngayon ay hindi natin malaman kung may naresolba.
Kasalukuyang pinagpipistahan ngayon ang mga POGO hub dito sa Pampanga at Tarlac na kung saan ginagampanan nina Mayor Alice Guo, Senator Lito Lapid, Cong. Gloria Macapagal Arroyo, Mayor Capil ang lead role, marami rin ang supporting actor. All-star cast ika nga.
Kanya-kanyang tanong, pasiklaban at sigawan ang mga Senador at Congressman hanggang sa dumating ang puntong marami na ang napikon kung kaya’t walang ibang kinahantungan ang inquiry kundi i-cite for contempt ang ilan dahil walang napipiga at uma-amin.
Iba’t-ibang committee ang nag-iimbestiga, nuknukan ng dami ang mga taong kinumbida at sinub-poenahan. Halos magkapalit-palit na ang mga mukha nito sa session hall nguni’t ANYARI?
Bago pa man dumating ang usaping ito, saksing-buhay tayo sa mga lumipas na kontrobersiya tulad sa kaso ni Cong. Arnie Teves, nang isnabin ni Pastor Apollo Quiboloy ang Senado na hanggang sa ngayon ay nagta-tago daw, kung nandito na nga ba ang ICC upang imbestigahan ang war on drugs ng lumipas na administrasyon at ang PDEA leak na ginampanan ni Former PDEA agent Jonathan Morales.
Mas ‘di hamak na malalaking isyu ito nguni’t hindi na natin nalaman ang latest development, kung may nangyari at kung na-resolba ba ang kaso base sa naging imbestigasyon.
Mantakin niyong parang massacre at cold-blooded murder ang pinaparatang dito kay Teves dahil siya ang sinasabing mastermind sa pag-patay sa Gobernador at walong iba pa sa Negros.
Hanggang sa ngayon ay hindi natin malaman kung nasa Timor Leste pa rin ito, kung siya ba ay for deportation o’ under extradition parin o’ baka naman nabili na niya ang nasabing bansa.
Ito namang si Quiboloy na nahaharap sa kasong Child Abuse at Human Trafficking ay mas pinili pang magtago kaysa siputin ang patawag ng Senado dahil akala daw ay Tawag ng Tanghalan eh hindi daw siya marunong kumanta.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito matagpuan. Minsan pinasok ng PNP ang sinasabing kuta nito sa Davao eh na People Power pa at napag-alaman na wala ito dito. Ang hirap namang hanapin nito parang langaw, eh kung si Bin Laden na sina-sabing number one terrorist sa buong mundo ay natunton siya pa kaya, ang tanong ay nagtatago ba o’ tinatago?
Ang ICC daw ay nandito na at akmang iimbestigahan na ang ilan personalidad na pinangungunahan ni FPRRD hinggil sa programa nitong war on drugs na kung saan higit kumulang sa 30,000 katao ang namatay o’ pinatay.
Ito namang PDEA Leak na kung saan si former PDEA agaent Morales ang whistle-blower ay wala na ring balita. Maraming personalidad ang sinira at dinamay ng Mamang ito unang-una na si PBBM.
May balita na si Morales na daw ang Chief ng PDEA nguni’t hindi daw ito interesado dahil mas gusto daw niyang pumalit kay JAMES BOND 007 he… he… he…
Sa lahat ng mga kasong ito, maraming mga testigo at mismong mga eyewitness ang nagpapatunay at handang ipusta ang kanilang buhay para sa katotohanan sa mga kaganapang sila mismo ang nakasaksi, ewan natin kung ano na ang nangyari, hindi yata tinanggap ang mga testimonya.
May posibilidad ngang totoo na ang mga kontrobersiyal na mga usapin sy uso-uso lang nguni’t malalaos din at natatabunan ng panibago ng hindi na natin malalaman ang resulta.
Weather weather lang, maaaring uso ngayong buwang ito ang trumpo nguni’t makalipas ang ilang buwan ay pagpapalipad naman ng saranggola ang magiging trending.
Ano naman kaya ang susunod na isyu pagkatapos ng POGO hub, may mapatunayan kaya ang investigating body sa usaping ito? Sana naman, sana all!!