Advertisers
MAGKAKAROON na ng bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) sa katauhan ni Sen. Sonny Angara.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-anunsiyo ng magandang balita.
Ang hakbang na ito ay nagdala ng samu’t saring reaksyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Maraming umaasa, may ilan ding nag-aalinlangan, ngunit iisa ang tiyak: malaki ang hamon na kakaharapin ni Sen. Angara sa kanyang bagong tungkulin.
Si Senador Angara ay kilala sa kanyang mga isinulong na batas na naglalayong mapabuti ang sektor ng edukasyon, tulad ng Free College Education Law.
Ang kanyang karanasan at dedikasyon sa larangan ng edukasyon ay nagbibigay ng pag-asa na kanyang mapapalakas ang DepEd at maisusulong ang mga kinakailangang reporma.
Sa kabila nito, may mga tanong kung sapat nga ba ang kanyang karanasan upang pamunuan ang isang ahensya na may napakalawak na saklaw at responsibilidad.
Isa sa mga pangunahing isyu na dapat tugunan ng bagong kalihim ay ang kakulangan ng mga guro at pasilidad, lalo na sa mga liblib na lugar.
Ang nakarang pandemya ay naglantad ng kahinaan ng ating sistema ng edukasyon, kabilang na ang kakulangan sa mga makabagong kagamitan at teknolohiya.
Ang mga problemang ito ay nangangailangan ng agarang aksyon upang masiguro na walang mag-aaral ang maiiwanan.
Bukod dito, mahalaga ring bigyang-pansin ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga kabataan.
Hindi sapat na may mga paaralan at guro. Kailangang siguruhin na ang mga itinuturo ay makabuluhan at akma sa pangangailangan ng makabagong panahon.
Ang pag-upgrade sa kurikulum, pati na rin ang pagsasanay sa mga guro upang maging handa sa mga pagbabago, ay ilan lamang sa mga hakbang na dapat isakatuparan.
Gayundin, isang hamon para kay Angara ang pagsugpo sa patuloy na problema ng dropout rate at ang pagtiyak na ang mga programa ng DepEd ay tunay na nagbibigay ng oportunidad para sa bawat kabataan na makapagtapos ng pag-aaral.
Ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga local government units (LGUs), ay mahalaga upang mapatupad ang mga polisiyang makatutulong sa mga estudyante at guro.
Sa kabila ng mga hamon, may pag-asa sa pagkakatalaga kay Senador Angara bilang kalihim ng DepEd.
Ang kanyang karanasan sa paggawa ng mga batas na naglalayong mapabuti ang edukasyon at ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan ay mga aspeto na makatutulong upang kanyang magampanan ang bagong tungkulin.
Gayunpaman, kinakailangang siya ay maging bukas sa mga kritisismo at suhestiyon mula sa iba’t ibang sektor upang maging matagumpay ang kanyang pamumuno.
Sa totoo lang, ang tagumpay ni Sen. Angara bilang kalihim ng DepEd ay tagumpay din ng buong bayan.
Nasa kamay niya ang kinabukasan ng milyun-milyong kabataang Pilipino.
Nawa’y magtagumpay siya sa kanyang misyon at maisulong ang isang edukasyong makapagbibigay ng pag-asa at magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.