Advertisers
INUMPISAHAN na ng Truth Commission, na binuo ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, ang imbestigasyon sa mga extrajudicial killing (EJK) na nangyari sa nakalipas na administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ang mga pagdinig ay gagawin sa Pope Pius Center sa Maynila.
Isa-isang isasalang ang mga kaso ng EJK na nangyari sa termino ni Duterte (2016-2022).
Sa datus ng human rights group, higit 30,000 ang nasawi sa brutal na war on drugs ng Duterte administration. Pero sa rekord ng Philippine National Police (PNP), higit 5,000 lang ang pinaslang.
Unang pag-uusapan sa nasabing imbestigasyon ang kaso ni Raymart Siapo, na nasawi matapos hulihin ng mga otoridad dahil sangkot daw ito sa ipinagbabawal na gamot.
Ilan din sa mga kasali sa komisyon sina Dr. Raquel Fortun, at dating ICC Judge Atty. Raul Pangalangan.
Nilinaw ng Truth Commission na wala silang kapangyarihan na manghuli at magparusa sa mga i-imbestigahan nila.
Hiwalay din sa ICC ang nasabing komisyon na binubuo ng mga miyembro ng Simbahang Katoliko at mga civil society organization.
Todo pasasalamat naman ang mga kaanak ng mga biktima ng EJK sa pagkabuo at gagawing imbestigasyon ng komisyon. Umaasa sila na sa Truth Commission ay lalabas ang katotohanan. Wish ko lang!
Subaybayan!
***
Kasalukuyan nang binubuo ng Malakanyang ang tandem na susuportahan sa 2028 presidential election.
Gustong matiyak ni PBBM na ang pagpapasahan niya ng trono ay ang magpapatuloy sa kanyang kampanya laban sa korapsyon.
Sinasabing ang napupusan ni PBBM na ikakasang presidente ay ang dating presidentiable na may malinis na rekord, at ang running mate o Bise Presidente ay malakas na media personality.
Sa tono ng pananalitang ito ng Malakanyang, parang si Leni Robredo ang tinutukoy na presidentiable, at ang media personality ay si Senador Raffy Tulfo.
Si Robredo ay kasalukuyang mayor ng Naga City. Tumakbo siyang pangulo laban kay PBBM noong 2022 at nagkaroon ng malaking boto.
Si Tulfo naman ay may malaking followers sa social media. Bukambibig ng masa ang kanyang pangalan lalo sa mga biktima ng pang-aabuso.
Sa latest survey ng OCTA, naungusan ng Robredo-Tulfo ang posible tandem nina Sara Duterte at Imee Marcos.
Walang pang pahayag dito sina Robredo at Tulfo.