Advertisers
Iginiit ni Speaker Faustino Dy III ang pangangailangan na magkaroon ng isang insurance system na tutulong sa mga magsasaka na makabangon mula sa epekto ng mga kalamidad.
“Kapag tinamaan ng bagyo o baha ang isang magsasaka, hindi lang pananim ang nawawala. Pati puhunan, kita ng pamilya, at kakayahan niyang makapagtanim muli ay nanganganib,” sabi ni Dy.
“We need an insurance system that helps our farmers get back on their feet instead of forcing them deeper into debt. This measure will ensure that the people who feed our nation have something to fall back on when disaster strikes,” dagdag pa nito.
Ginawa ni Dy ang pahayag kasunod ng pag-apruba ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang kanyang panukala (House Bill 10365) na naglalayong palakasin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga serbisyong naibibigay nito sa sektor ng agrikultura.
Pinalalawak ng panukala ang coverage ng PCIC sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda laban sa mga pagkalugi dulot ng natural na kalamidad, fortuitous events, mga sakit sa halaman, hayop at isda, at pagdami ng mga peste.
“Malaki na ang ipinagbago ng agrikultura at ng mga panganib na hinaharap ng ating mga magsasaka at mangingisda. Our agricultural insurance system must keep pace with those realities,” sabi ni Dy.
“For a farmer, one typhoon can mean losing the crop, the money spent on seeds and fertilizer, months of labor, and the income the family was counting on. Without adequate protection, one disaster can become years of debt,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng panukala, bukod sa mais at palay, palalawakin ng PCIC ang saklaw ng insurance nito sa mga high-value crop, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry crops at forest plantations. Maaari na rin nitong isama ang mga makinaryang pang-agrikultura, kagamitan, transport facilities at kaugnay na imprastraktura, gayundin ang life at accident term insurance para sa mga magsasaka at mangingisda.
Itinatakda rin ng panukala na dapat, hangga’t maaari, saklawin ng agricultural insurance ang production inputs, market-valued labor ng mga magsasaka o mangingisda at kanilang mga kasambahay at inupahang manggagawa.
“Kapag may proteksyon ang ating mga magsasaka at mangingisda, mas mabilis silang makakabangon. Kapag mas mabilis silang nakababangon, mas matatag din ang ating produksyon ng pagkain,” sabi ni Dy.
Ayon kay Dy, makatutulong ang pagpapalawak ng proteksyon upang mas mabilis na makabangon at makabalik sa produksyon ang mga magsasaka at mangingisda, na magpapalakas sa kabuhayan ng kanilang pamilya at magpapatatag sa food security ng bansa. (Henry Padilla)