Advertisers

Advertisers

MEDALYA NG “KAYABANGAN”

0 3

Advertisers

SUPORTADO natin ang “pagbaha” ng batikos dito kay 1-Pacman Partylist Rep. Michael ‘Mikee’ Romero, matapos ipagyabang sa social media ang mga medalyang nabili, ehek, naigawad sa kanya ng militar kasama na ang ‘Gold Cross Medal.’

Ang Gold Cross Medal, mga kabayan, ang pangalawa sa pinakamataas na pagkilala ng Armed Forces sa isang sundalo, sumunod sa ‘Medal of Valor’ (MOV) “for bravery in action above and beyond the call of duty.”

Kumbaga, “buwis-buhay” ang “nakapusta” sa harap ng kaaway para mabigyan ka ng ganitong pagkilala ng buong AFP.

Kung saan namang “engkuwentro” napasabak itong anak ni Reghis ‘R2’ Romero kaya nabigyan ng Gold Cross Medal, walang nakakaalam. Baka sa loob lang motel o hotel?

Hindi lang nasorpresa, bagkus, alam nating maraming sundalo—aktibo at retirado sa serbisyo– ang sumama ang loob sa liderato ng AFP dahil ginawang ‘for sale to the highest donor’ ang medalya nila ng kagitingan.

Nakikita ang kanilang pagkabuwisit sa dami ng mga nakita nating social media posts mula sa mga sundalo na ipinapakita ang kanilang mga medalya na siyempre pa ay “small time” kumpara sa mga nakabalandra sa diddib nitong si Congressman.

Tanong pa ng iba, magkano, ehek, ano naman kayang kabayanihan o sakripisyo sa buhay ang ginawa nitong si Cong. Mikee at ang ranggo pa niya ay HENERAL sa ating AFP Reserve Command?

Ang pagbibida ni Cong. Mikee ng kanyang mga ‘MOVs’ (Medal of Vanity/Medalya ng Kayabangan) ay dagdag-patunay na sadyang napulitika na ang ating Sandatahang Lakas.

Na sadyang kaya nang tapatan ng salapi ang kahit mga medalya na dugo, buhay at pawis ang puhunan ng sino man sa ating mga sundalo.

Kung may kahihiyan pa namang natitira sa kanyang katawan itong si Cong. Mikee, abah, bosing, ISOLI mo ang mga medalyang ‘yan dahil hindi ka naman ‘deserving,’ sa totoo lang!

Para naman sa ilang opisyal ng AFP, sadya rin bang nawala na ang inyong mga dangal at kahihiyan sa katawan at lahat ay pera-pera at donasyon na lang? Say mo, ex-AFP chief Romeo ‘US Brownie’ Brawner?