Advertisers
SA pagharap sa House hearing ni dating Police Colonel Eduardo Acierto nitong Miyerkules, Hulyo 10, ibinunyag niyang matagal na siyang pinaghahanap ni dating Pangulo Rodrigo Duterte dahil ipinapapatay siya nito sa ilang sundalo at pulis dahil isinangkot niya sa ilegal na droga ang presidential adviser ni Duterte na si Michael Yang.
Taon 2019 pa nagtatago si Acierto, na inilarawan ang sarili bilang anti-drug crusader at dating miyembro ng Anti-Illegal Drug Group ng Philippine National Police (PNP).
“Ako din po ang parehong Police Colonel Eduardo Acierto na matagal nang ipinapahanap at ipinapapatay ng dating Pangulong Duterte sa militar at kapwa ko pulis,” ani Acierto.
Hindi naman sumipot si Yang sa hearing kaugnay ng P3.6-bilyong shabu na narekober sa isang bodega sa Mexico, Pampanga noong 2023, kaya na-cite in contempt siya at ipinaaaresto na ng komite.
Si Yang ang sinasabing incorporator ng Empire 999 Realty Corp., na may-ari ng warehouse sa Mexico kungsaan nasamsam ang P3.6-bilyon shabu.
Ayon kay Acierto, si Yang at business partner nitong si Allan Lim ay malapit kay Duterte at kay noo’y Special Assistant to the President ngayo’y Senator Bong Go.
Sinabi ni Acierto na nadiskubre niya at ni Police Capt. Lito Perote ang ilegal na gawain nina Yang at Lim at ini-report nila ito ni Perote—na kalaunan ay nawala at pinaniniwalaang patay na.
“Matagal na akong natatakot para sa aking buhay dahil ako ay ipinapapatay ni Duterte. Sila po ay maimpluensya hanggang ngayon,” ani Acierto, na inaasahang mabibigyan narin ng hustisya ang nangyari sa kanya ngayong hindi na si Duterte ang presidente.