Advertisers

Advertisers

Tagalog o Engalog o Taglish, basta!

0 3,272

Advertisers

NAPAPANSIN nyo na dear readers, ang lider na Japanese, Chinese, Korean, kapag po sila ay nag-i-speech, sariling wika ang ginagamit nila, at may kasama silang interpreter.

E, tayo, kahit hirap mag-English, sige pa rin, e, mas madali namang masabi ang gustong sabihin kung Tatagalugin o Bibisayain, at yung mga nakikinig na dayuhan, bahala sila na makinig sa interpreter natin.

Sa Senado, Kongreso o sa mga miting ng mga government agencies, ay nakupo, pataasan ng ihi sa pag-i-English, e kaya namang mag-Visaya o mag-Tagalog (o mag-Taglish).



Kasi, pag daw, nag-English, feeling superior, matalino at sosyal, pogi o charming, ismarte pag Inglesero/a.

Pansin nyo ba, sa madalas na pagpunta ng ating Traveler President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., dehins siya nagta-Tagalog sa kanyang speech, he’s spokening dolllar, at pag naipit sa tanong ng mga tanong ng foreign media, bubulalas siya ng “Oh, my God!”



E, pwede namang mag-Tagalog o mag-Taglish o mag-Engalog o mag-Ilocano si PBBM, at bahala nang sagutin sa English ng magaling niyang interpreter ang kanyang kausap.

E, si Chinese President Xi Jinping kahit marunong mag-English, nagma-Mandarin siya at napansin nyo, kahit marunong mag-English ang ibang lider, wikang sarili nila kung sila ay magtalumpati o sumagot sa media.



Proud sila sa kanilang sariling wika, ipinagmamalaki ang kanilang kultura, mataas ang respecto o paggalang nila sa sariling wika nila, at hindi nila ikinahihiya na magsalita sa mother language nila.

Naalaala ko, sabi ni Dr. Jose Rizal na ang di magmahal sa sariling wika, ano po? … katulad sa malansang isda.

E, tayo, nakikipagbardagulan tayo ng English sa mga dayong iyon gamit ang sariling wika nila.

It’s time na turuan natin sila ang mga dayuhang dignitaries na magsalita ng wikang Pinoy, o kaya magdala sila ng sariling interpreter.

At ito: umpisahan na natin ito sa Senado, sa House at sa mga LGUS, sa mga convention, at lalo sa Presidential Communication Office, Philippine News Agency, Philippine Information Agency, mga opisina ng gobyerno at iba pa.

E, mahirap daw, oo kung nasanay nga tayo sa kai-English at kung ito ang idadahilan lagi, paano tayo matututo, at kailan tayo magsisimula na mahalin at irespeto ang ating sariling wika na Tagalog, Ilocano o Waray o iba pang native tongue natin.

Saka, nakakahiya tayo sa mundo, kasi tayo lang yata ang bansa na may selebrasyon na Linggo o Buwan ng Wikang Filipino (Tagalog o Pilipino).

‘Yun bang Chinese o Americans e may Mandarin Week o English Week celebration, ay wala po, kasi, sariling wika ang ginagamit nila sa kanilang komunikasyon, pagsusulat, pagdedebate at maging sa science, at iba pang larangan.

Tama po na mag-aral tayo at maging expert sa English at iba pang wika tulad ng Mandarin, Nihongo, French.

Pero naman, ‘wag naman nating ikahiya ang pagsasalita ng Tagalog (o Bisaya at iba pang wika), lalo at ang kausap naman natin e kapwa Filipino!

Kung expert tayo sa English, Spanish o Mandarin, aba naman po, mas dapat na maging expert tayo sa Tagalog o Filipino, at ito ang gamitin natin sa mga miting, at mga convention at usap-usapan para tayo ay magkaintindihang mabuti.

Sa wikang dayo tayo nag-uusap, kaya hayan, hindi tayo magkaintindihan.

Kaya maraming Pinoy ang nagpagsasamantalahan, kasi sa mga kontrata, nakasulat sa English; sa mga usaping legal, English ang gamit.

Panahon na sa wikang Pilipino (Tagalog o Engalog o Taglish) at iba pang wikang sarili ang gamitin sa mga petisyon, komunikasyon sa mga husgado.

Panahon na, na ang mga pantas, edukado, mga experto sa wikang sarili na pagtiyagaang isalin ang mga batas na nakasulat sa English.

Opo, mahirap na trabaho ito, pero kailangan na umpisahan na natin.

Umpisahan na ito ng Komisyon ng Wikang Filipino na ang mandato ay payamanin, palaganapin ang pagsasalita at paggamit ng wikang sarili natin.

Gawin na itong isang Kagawaran, lagakan ng malaking pondo at magtayo ng isang lupon ng mga expertong tagasalin, at simulan na ang pagsasa-Filipino at sa ibang wika ang mga batas, tuntunin, at ibang komunikasyon upang laganap sa buong bansa.

Paano tayo magkakaisa kung iba-ibang wika tayo mag-uusap at hindi tayo magkakaintindihan.

May nagbiro dahil sa salitang English tayo nananalangin, kaya pag ibinaba ang mga biyaya, sa US napupunta, hehehe.

Sa Agosto, buwan na naman ng Wikang Filipino, magpapaligsahan na naman tayo sa talumpatian, kantahan at bonggang selebrasyon upang itanghal ang pagmamahal sa sariling wika natin, at pagkatapos, wala lang.

Paano tayo aasenso kung sa wika lamang, hindi tayo makausad, hindi tayo makalikha ng wikang matatawag na atin talaga.

E ano kung ang mabuong wika natin ay mestiso na halong English, Tagalog, Bisaya at iba pang wika, basta ang importante, magkaroon tayo ng wikang maiintindihan ng lahat ng Pilipino sa higit o kulang na 7,641 isla ng Pilipinas.

Kung ang mabuo ay Engalog, Taglish o kung anoman, bahala tayo, basta ang mahalaga, magkaroon tayo ng iisang wikang maiintindihan mula Luzon, Bisaya at Mindanao, sabi nga ng Eat Bulaga, mula Aparri hanggang Jolo at idugtong natin hanggang sa Spratly Islands.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.