Advertisers
TATLO katao ang nasawi sa pagkakakuryente habang nasa kasagsagan ng bagyong Carina sa lalawigan ng Rizal nitong Miyerkules, July 24, 2024.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Vicente Lim Regional Police Office, nasawi sa Cainta Municipal Hospital si Alvin Bulatao, 20 anyos, ng Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal bandang 4:00 hapon nang makuryente habang nagliligpit ng kanilang mga gamit dahil sa pagtaas ng baha sa kanilang bahay matapos mahawakan ang isang live wire sa loob ng bahay.
Nadiskubre naman ng mga tauhan ng San Mateo MDRRMO pasado 6:00 gabi ang isang bangkay ng ‘di pa tukoy na biktimang lalake na lumulutang sa baha sa Barangay Guitnang Bayan 1, San Mateo, na pinaniniwalaang nasawi sa pagkakuryente, matapos mag-ground sa tubig ang mga rescuer na nakakita sa labi ng biktima.
Samantalang sa Barangay Burgos, Rodriguez, hindi narin umabot ng buhay sa ospital ng Casimero Ynares Hospital pasado 9:00 ng gabi si Jay R Mistal, 32, nang makuryente sa nahawakang poste ng kuryente habang pauwi ng kanilang bahay kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Carlo Mistal, 37, na siyang humingi ng saklolo para madala sa ospital ang biktima.
Samantala nasawi ang isang driver nang makuryente nang humawak sa isang poste sa Tondo, Maynila nitong Miyerkoles.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District – Police Station 7, nakilala ang biktima na si David Gerona, 32 anyos, driver, at residente ng Fourth Estate, Parañaque City.
Alas-2:30 ng hapon nang madiskubre ng kanyang kapatid na si Juli Gerona, 32, driver, ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa baha malapit sa isang poste ng kuryente sa tapat ng isang paaralan sa Tayuman St., Tondo.
Sa natanggap naman na tawag sa telepono ni PCMS August Centeno ng Station Base Desk, inimpormahan sila ni Nurse Merlinda Marquez na namatay ang biktima nang makuryente.
Rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Manila Electric Company (Meralco) at pinatay ang suplay ng kuryente upang maiwasan na ang kahalintulad na pangyayari.
Kaugnay nito, may dalawa pang binatilyo, na hindi na pinangalanan, ang nakuryente rin habang naglalakad sa baha sa Malate, Maynila.(Koi LauraJocelyn Domenden)