Advertisers
KUNG noong nasa Malakanyang ang mga Duterte ay dumanas ng grabeng panggigipit si dating Senador Antonio Trillanes, panahon niya naman ngayon para resbakan ang dating pangulo at mga dating opisyal nito.
Nitong Miyerkoles, Hulyo 31, sinampahan ni Trillanes ng kasong smuggling ng illegal drugs sa Department of Justice ang anak ni dating Pangulo Rody “Digong” Duterte na si Davao City 1st District Representative Paolo “Polong” Duterte, mister ng Vice President Sara Duterte Carpio na si Manases, ex-Customs Commissioner Nicanor Faeldon, dating Presidential adviser Allen Capuyan, Davao City Councillor “Small” Abellera, “druglord” Charlie Tan at apat na iba pa…
Kaugnay ito ng nasamsam na P6.4 billion halaga ng shabu shipment na pinalusot ng Bureau of Customs noong 2017 kungsaan si Faeldon ang commissioner.
Ang shabu ay nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City.
Nabunyag sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na ang nasa likod ng kontrabando ay sina Charlie Tan na dabarkads ng anak at manugang ni Digong na sina Polong at Mans, base sa mga ipinakitang larawan sa Senado ni Trillanes.
Sa mga larawang inilatag ni Trillanes, makikita sina Charlie Tan, Polong, Mans at iba pa na nagkakasiyahan.
Nabunyag pa sa mga pagdinig ng Senado na para makapagpalusot ng mga kargamento sa Customs, kailangang mag-enroll sa “Davao Group” na ang nagsisilbing “bagman” noon ay si Abellera na “bata bata” naman ni Polong. At ang dapat kausapin sa aduana ay si Mans.
Pero ang mga nangyaring imbestigasyon sa Senado ay nabalewala dahil karamihan sa mga senador noon lalo ang Senate President ay mga nakasuso kay Digong. You know!
Sina Trillanes at ex-Sen. Liela de Lima lang noon ang buong giting na lumaban sa pang-aabuso at katiwalian ng Duterte administration.
Si De Lima ay halos dalawang taon lang nanungkulan nang makulong ito dahil sa mga tahi-tahing kasong droga nina Duterte.
Nabasura lang ang mga kaso ni De Lima nang matapos ang termino ni Duterte at nag-atrasan ang mga testigo na umaming pinilit lang sila gumawa ng istirya para idiin ang senadora.
Si Trillanes naman ay ilang beses sinubukan ibalik sa kukungan ni Duterte kasabwat ang kanyang noo’y Solicitor General na si Jose Calida at Legal Chief na si Salvador Panelo. Sinubukan nilang pawalang-bisa ang Executive Clemency na iginawad ni late Pres. Noynoy Aquino sa dating renegade Navy Captain na Trillanes.
Pero binaril ng Korte Suprema ang mga tirada nina Calida at Panelo. Hindi sila nagtagumpay laban kay Trillanes.
Ngayon ay never heard na sina Calida at Panelo. ‘Wag sana silang abutin ng karma. Hehehe…
Ngayong wala na sa poder si Duterte at nasira narin ang alyansa nila ng Marcos, nabuhay ang loob ni Trillanes na buhayin ang kasong illegal drugs smuggling laban sa Davao Group nina Polong, Mans, Faedon, Abellera at iba pa.
May mangyayari kaya sa isinampang kasong ito ni Trillanes sa DoJ laban sa naturang mga personalidad? Let’s see!!!
Balak din ngayon ni Trillanes na buhayin ang kaso sa kontrobersiyal na warship ng Philippine Navy.
Plunder ang kasong isasampa ni Trillanes laban kay Digong sa isyung ito na inimbestigahan din noon ng Senado pero nabalewala lang din dahil sa majority ng senador noon ay nagmamano kay Duterte.
Moment ngayon ni Trillanes. Subaybayan!