Advertisers
SA lahat ng naging Bise Presidente ng Pilipinas, si Sara Duterte-Carpio lang talaga ang pinakamalupet humirit ng pondo, pera nating taxpayers!
Oo! Kung ang mga nakaraang bise presidente ay nagkaroon lamang ng milyones na pondo ang tanggapan, kay VP Sara bilyon bilyon ang pinag-uusapan.
Si VP Sara ay humirit ng higit P2 bilyong pondo para sa kanyang tanggapan para sa taon 2025, kumpara sa naging pondo ng kanyang sinundang si Leni Robredo na nagkaroon lamang ng kulang P1 billion bago matapos ang termino ng huli noong 2022.
Wala ngang intel fund ngayon si VP Sara, bumira naman ng malaking pondo para kuno sa kanyang tanggapan. (Noong 2022 at 2023 daan-daang milyon ang intel funds at bilyones ang pondo ng OVP. Sa ulat ng Commission on Audit noong 2022 nilustay ng Bise Presidente ang P125m intel fund sa loob lamang ng 11 days).
Matatandaan, sinabi noon ng ama ni VP Sara na si ex-President Rody Duterte na hindi kailangan ng Bise Presidente ng malaking pondo dahil “spare tire” lang ito, na magkakaroon lamang ng gamit kapag naging inutil o natigok ang pangulo.
Kaya si ex-VP Leni noon ay hindi umaangal kung magkano lang ang pondong ibigay sa kanyang tanggapan. Gumawa nalang siya ng paraan para makakalap ng dagdag na pondo para sa kanyang mga programang pangkabuhayan at sa mga nanghihingi ng tulong sa kanyang tanggapan.
Sa ulat ng CoA, si VP Sara noong alkalde palang ng Davao City ay nagkaroon ng bilyones na intel fund, kapritsong dinala niya hanggang Bise Presidente. Naputol lang ang paghirit niya ngayon ng intel fund dahil masyado nang kimukuwestyon ng taongbayan kung saan niya ginagamit ang pera. Hanggang ngayon kasi ay hindi niya parin maipaliwanag kung saan ginastos sa loob ng 11 days ang P125m intel fund niya noong 2022.
Hindi lang sa intel fund at pondo ng tanggapan kontrobersiyal itong si VP Sara. Maging sa pagkaroon ng security personnel ay gustong mas marami ang nagbabantay sa kanya kesa kay Presidente Bongbong Marcos.
Binawasan lang ng 75 police personnel ang OVP ay umalma agad ito ng todo todo, inilagay daw ang kanyang pamilya sa kapahamakan. Eh may 350 sundalo at pulis pa palang nagbabantay sa kanya. Sabi nga ni Justice Secretary Boying Remulla, mas marami ang security escorts ni Sara kesa kay PBBM.
Si dating Vice Pres. Robredo, 83 lamang ang security personnel. Pero never itong dumaing sa kanyang seguridad.
Talagang matindi ang kapritso ni Inday. Lalo na siguro kapag naging presidente ito. Mismo!!!
***
Tuluyan nang kumalas sa partido ni Duterte si Senador Francis Tolentino.
Sinabi ni Tolentino, kaya siya tumiwalag sa kampo ni Duterte ay dahil magkaiba ang kanilang damdamin sa West Philippine Sea (WPS).
Pero para sa akin, hindi ito ang rason ng pag-alis ni “Tol” sa PDP Laban ni Duterte. Iniwan niya si Duterte dahil alam niyang wala na siyang panalo rito sa 2025. You know!!!
***
Sinisira nitong mga vlogger ang relasyon ng mag-inang Yulo. Sa halip na payuhan ng mabuti, lalo nilang pinaaalab ang damdamin ng nagtatampong ina sa golden boy niyang anak na si Carlos, na naka-double gold sa Paris Olympics at makakatanggap ng sobra sobrang biyaya pagbalik sa Pinas.
Dapat payuhan si Carlos at kanyang dyowa na magpakumbaba sa ina. Ang sama ng loob ng ina ay kaagad napapawi sa yakap at halip ng anak. Ang pagmano ng anak ay nagpapalambot sa pusong mamon ng ina. Ang ina ay hindi ito luluhod sa anak. Ang anak dapat ang magpakumbaba bilang respeto sa nagdala sa kanya ng siyam na buwan sa sinapupunan, umere ng agaw-buhay, at nag-alaga at nagpalaki hanggang sa siya’y maging ganap na tao. Respect is the key!