Advertisers
IPINAGBAWAL na ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil sa mga pulis ang pagpapayong sa mga itinuturing na very important person (VIP) nitong Lunes.
Sa direktiba ni Marbil, hindi aniya bahagi ng trabaho ng isang pulis ang pagdadala ng payong o pagpapayong sa mga VIP dahil nakakasira ito sa kanila bilang isang unipormadong pulis.
Sinabi ni Marbil sa kanyang talumpati pagkatapos ng flag ceremony sa Camp Crame, Quezon City, na layon ng kanyang direktiba na maibalik ang dignidad ng mga unipormadong pulis.
“Pinagbabawal ko na po ‘yung every time we have anniversary, nakakakita po tayo ng mga pulis na naka-uniform, especially mga corporal or mga mabababang ranggo pa lang po natin, nagdadala po sila ng mga payong,” giit ng heneral.
“Hindi po tama ‘yan. Hindi ganyan ang trabaho ng pulis. Igalang natin ang ating uniporme. Ipakita po natin na tayo ay taong may dignidad. Hindi po tayo tao na basta-basta. Pulis po tayo, hindi po tayo bodyguard, hindi po tayo driver, hindi po tayo alalay. Hindi po tayo bayaran, pulis po tayo,” dagdag ng PNP chief.