Advertisers
NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Philippine National Police (PNP) sa foreign counterparts nito para makumpirma kung nasaang bansa ang tinanggal na Bamban, Tarlac mayor na si Alice Guo na pinaniniwalaang nakalabas ng Pilipinas noon pang nakaraan buwan.
Ayon kay PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo, may posibilidad na umalis si Guo sa pamamagitan ng “illegal channel” o “backdoor”.
Mahirap aniya na makaalis ito ng bansa na hindi gumagamit ng illegal channel dahil high profile ang kaso nito at maraming nakakakilala dito.
Binigyang diin ni Fajardo na ginawa nila ang lahat, pagdating sa monitoring, implimentation ng warrant of arrest na inisyu ng senado, at maging police assistance sa mga personnel ng Senate Sergeant-at-Arms. Kasunod nito, nakausap narin aniya ng PNP ang direktor ng Aviation Security Group at sa katunayan ay hindi lang ang main airport ang pinabantayan sa mga pulis kundi pati ang mga regional offices na may paliparan.
Sa kabila ng paghihigpit ng PNP at ilang ahensya ng gobyerno, kung talagang nakalabas ang alkalde sa bansa at mapatunayan na may mataas na tao o opisyal ng pamahalaan na tumulong sa likod nito, tiniyak ng PNP na may kakaharapin din itong kaso.
Samantala, iimbestigahan ng PNP ang abogado na nag-notarize ng counter-affidavit ni Alice Guo noong August 14 na iginiit na personal na pumunta sa kaniya si Guo. Pero sa ulat ni Senator Risa Hontiveros, July 18 pa lumabas ng bansa ang dismissed mayor.
Ayon kay Fajardo, aalamin kung talagang nagsasabi ng totoo ang notary public dahil batay sa Supreme Court rulling noong 2018, hindi pupuwedeng mag-notaryo ng dokumento ang abogado kung hindi personal na haharap sa kaniya ang sinumang indibidwal na nakapirma sa dito.
Matatandaan na ayon kay Senator Hontiveros, sa impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI), July 18 palang nakalabas na ng Pilipinas si Guo o Guo Hua Ping papuntang Kuala Lumpur, Malaysia gamit ang kaniyang Philippine passport.
Batay pa sa source ng Senadora, dumiretso si Guo papuntang Singapore para makipagtagpo sa kaniyang mga magulang at kapatid.
Samantala, nitong Martes ng hapon ay kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) sa impormasyon mula sa kanilang counterpart, mula sa Singapore ay napag-alamang bumiyahe si Gou patungong Indonesia nitong Linggo, August 18.