Advertisers
Nasawi ang isang lalaki nang maatrasan ng sasakyan habang naglalakad sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng madaling araw, Agosto 25.
Kinilala ang biktima na si alyas “Angelito,” tinatayang nasa 55 hanggang 60-taong gulang, at residente ng Don Quijote St., sa Sampaloc.
Samantala, natukoy naman ang salarin na si alyas ‘Rafael,’ residente ng Florentino St., sa Sampaloc.
Sa ulat ng Investigation Section ng Manila Police District (MPD)-Sampaloc Police Station (PS-4), 6:40 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima, na nakahandusay sa bangketa, sa tapat mismo ng gate ng tahanan ng salarin.
Naglalakad umano sa lugar ang testigong si Danilo Soriano, barangay kagawad ng Brgy. 478, nang makita ang bangkay kaya’t kaagad na ini-report sa mga awtoridad.
Sa isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa CCTV footage sa lugar, natukoy na 5:07 ng madaling araw nang maatrasan ng suspek ang biktima, habang minamaneho ang kaniyang kulay itim na kotse, na nagresulta sa kamatayan nito.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad kung hindi napansin ng salarin ang pangyayari kaya’t hindi hinintuan at tinulungan ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.