Advertisers
Sobrang layo pa ng tinakdang campaign period ng Commission on Elections (COMELEC) para sa mga kandidato sa 2025 National Election nguni’t ilan sa mga ito ay nagmamadaling makilala’t ikumpanya ang kanilang kandidatura.
Maski tayong mga mamamayan ay wala pa rin alam sa talagang schedule ng campaign period na itinakda ng COMELEC. Kadalasan itong nagaganap anila 2 months before the election.
Maging ang pag-file ng Certificate of Candidacy (CoC) ng mga lalahok sa nasabing eleksiyon ay hindi pa rin naisasagawa ngunit dahil sa maagang pagpapakilala’t pangungumpanya ay napupulsuhan na agad ng sambayanan kung sino ang mga kakandidato at kung anong posisyon ang kanilang tatakbuhan.
Obvious naman talaga na maski siguro grade 1 ay maka-kapa kung sino ang ang mga kakandidato gayundin sa kung anong posisyon ang gusto nilang makamit. Ito anila ay dahil sa maagang paglabas ng kanilang mga campaign material at makinarya.
Ilan sa mga materyales na ito ay ang kanilang tarpaulin na kinakabit sa ilang kabahayan, kalye at sasakyan na kung saan naka-sulat mismo ang kanilang pangalan.
Maliban sa kanilang pangalan, kaakibat din nito ang kanilang slogan at battlecry na kanilang pagki-kilanlang tulad ng “BATANG MAYNILA” na alam nating lahat na ito ay si Isko Moreno. Sina-sagisag naman ni Mayora Honey Lacuna ang katagang ANAK NG MAYNILA, buti na lang at walang nagpa-kilalang BATANG MENTAL, BATANG PAVILLION AT BATANG HAMOG.
Meron ding nagsa-sabing ” We love Juan de la Cruz”, “Friends of Juan de la cruz” “Juan de la Cruz ” is my guy, ” I’m for Juan de la Cruz” at marami pang iba.
Kulang na lang dito ay ang mga salitang VOTE, RE-ELECT, ELECT, HALAL AT IHALAL at ang posisyon nilang tatakbuhan. Ito ay maliwanag na pag-labag sa umanoy Omnibus Election Code o’ kaya’y batas na kung saan hindi mo sinunod ang tinakdang campaign period na inischedule ng COMELEC.
Bukod sa mga tarpaulin, may kanya-kanya ring “jingle” o’ di kaya’y kantang binuo at ginawa para sa kani-kanilang kandidato na ating mapapakinggan na sa kasalukuyan sa You Tube, facebook at ilan ding piling himpilan ng radyo.
Kaakibat ng mga awiting ito ay ang laitin at sirain ang kanilang mga katunggali, purihin ang kanilang mga sarili at higit sa lahat ay lasunin ang isipan at paniniwala ng mga botante para sa sarili nilang interes, mind conditioning at mindset ika nga.
Ang istilong ito ay nagiging kalakaran na sa National Capital Region (NCR) lalo na sa mga lungsod at munisipalidad na hinahangad nilang hawakan at pamunuan.
Sa situwasyong ito, mukhang maagang sinimulan ang campaign period na hindi na pala kailangang itakda o’ iischedule ng COMELEC.
Maging sa social media man ay puro na lang mga kakandidato sa 2025 National Election at kanilang aktibidad at plataporma ang makikita.
Kanya-kanyang mga vlogger ang alaga ng mga politikong ito na walang ibang ginawa kundi ang mamulitiko, sumipsip at alagaan ang dala-dala nilang kandidato.
Kung talagang babatasin, siguradong nuknukan ng dami ang magpa-file ng protesta, inquiry at disqualification sa isa’t-isa. Ito ay kung magiging fair and square ang ahensiyang magpapalakad nito.
O baka naman idelete na ang takdang campaign period dahil ito ay “not applicable ” na sa panahong ito dahil libre na at pwedeng maganap na ang lahat sa social media.
Hindi naman ito pwedeng pagbawalan dahil ito ay karapatan ng isa’t-isa kung kaya’t bahala na ang anumang situwasyong maganap at resultang mangyari na kumbaga sa larong baskeball ay
“NO HARM, NO FOUL”.