Sa kamalian sa pamilya… Caloy humingi na ng tawad kay Lord; Dustin nanginig nang hipuan sa MRT ng pulis
Advertisers
Ni Rommel Placente
SA isang interview sa Sparkle artist na si Dustin Yu, sinabi niya na nabiktima siya ng panghihipo ng isang pulis noong sumakay siya sa MRT, ilang taon na ang nakararaan.
Ayon kay Dustin, first time raw niyang sumakay noon sa MRT taong 2019, at talagang siksikan sa loob ang mga pasahero.
Ayon sa binata, nakahawak daw siya sa handle ng tren at may isang pulis na nakatabi sa kanya. Bigla na lang daw pinasok nito ang kamay nito sa kanyang bulsa at hinipu-hipuan siya.
Kwento ni Dustin,“Nangyari nu’n, sumakay ako ng MRT, first time ko. Tapos yung dalawang kamay ko, nakasabit sa sabitan. Tapos parang may pulis na…pulis talaga, naka-uniform. Pinasok niya yung kamay niya sa bulsa ko.
“So ako, nanginig ako. Kasi parang pulis ka, tapos bata pa ako, talagang kinapa-kapa niya yung private part ko. So sobrang tagal kong nag-recover du’n sa experience na yun. Siguro, one and a half year..
“Nanginig ako. Saka masikip kasi, ‘yung dalawang kamay ko, nakasabit. Sobrang sikip,” aniya pa.
Wala raw nagawa si Dustin nang mga oras na yun hanggang sa makalabas na siya ng MRT. Sinubukan pa raw niya na kunan ng litrato ang nanghipo sa kanya pero hindi na niya nagawa sa sobrang panginginig ng kanyang katawan.
Sa tanong sa aktor kung bumalik ba ang eksenang ‘yun sa kanyang isipan matapos lumantad ang kapwa Sparkle artist na si Sandro Muhlach at isumbong ang panghahalay umano sa kanya ng dalawang independent contractors ng GMA, ang sagot niya,“Ah, ngayon lang, ngayon ko lang naisip. Pero dati, hindi. Hindi masyado. Kasi, to be honest, ha, masyado akong occupied these past few months.
“So yung kay Sandro, nabalitaan ko naman siya for sure. Siyempre, na-feel ko. Hindi ko rin alam ang buong kuwento, pero na-feel ko rin talaga, sana lang, hindi totoo.
Sey pa ni Dustin, “Yun talaga, kapag nandu’n ka na sa moment na ‘yun, maninigas ka na lang talaga. Hindi mo alam ang gagawin mo. Yun ang nangyari sa akin.”
Hindi na raw nagawang i-report sa pulis ni Dustin ang panghihipo sa kanya ng naturang pulis, “May date kasi ako nu’n, saka bagets pa ako nu’n. Tsaka, aaminin ko naman, natakot ako nun, e.”
***
SA interview kay Carlos Yulo ni Toni Gonzaga para sa vlog nito na Toni Talks, ipinagtanggol ng binata ang sarili sa mga taong nanghuhusga sa kanya.
Ito’y kaugnay pa rin ng mga ginawa niyang pananabla at pangdededma sa sariling pamilya, partikular na sa kanyang inang si Angelica Yulo.
Sabi ni Carlos,”Sa mga taong nanghuhusga, kilala ko naman po kasi ‘yong sarili ko. Alam ko kung ano ‘yong ginawa ko.
“Malinis ‘yung kunsensya ko. Hindi naman nila ako kilala. Hindi naman nila nakita kung paano ako nag-training. So, lahat po talaga hindi ako natatamaan, hindi tumutusok at all.”
Alam din daw niya na wala siyang ginawang masama sa mga taong patuloy na nangnenega at nagdya-judge sa pagkatao niya, kaya ayaw na rin niyang patulan ang mga haters.
“And alam ‘yun ni Lord. Kahit gaano pa ako kagaling na tao sa gymnastics, kahit gaano pa ako naghirap sa mga preparation ko, kung hindi ako mabuting tao, hindi ako ibe-bless nang ganu’n, e,” mariing sabi pa ni Caloy.
Tanong ni Toni,“Ganito na lang ang gagawin natin para kahit papaano magkaroon ng konting linaw. Kasi we are hearing one side of the story, but you are not sharing your side of the story. Bakit?”
Sagot ng Pinoy champ, “Personal po kasi masyado eh. Like, hindi na rin po para malaman ng tao, ng buong sambayanan yung nangyari.
“Basta ako, alam ko po sa sarili ko, sa puso ko na napatawad ko sila and inamin ko sa sarili ko na nagkamali ako.
“Kinarma na ako, kasi mali nga naman na sagutin mo sila ng ganu’n, na siyempre, emosyonal ka na po, eh. Gusto mo ipaglaban yung sarili mo and yung relationship ninyo.
“Alam ko kung ano yung mali ko, tinanggap ko yun, ipinagdasal ko ‘yun kay Lord. Humingi ako ng tawad.”