‘West Philippine Sea’ serye ng bawat Pilipino, malapit nang mapanood; AJ diniin, happy na makasama ang erpat na si Jeric at dyowang si Aljur sa WPS
Advertisers
Ni Blessie Cirera
HAPPY si AJ Raval na tuluyan na siyang nakawala sa pagpapaseksi sa pagkakasali sa main cast ng advocacy serye na WPS.
Mangyayari yan sa ipoprodyus na TV series ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) na WPS (West Philippine Sea).
Tsika nga ni AJ, pagpapakita lang na ang serye ang makapagpapatunay na gradweyt na siya sa pagpapaseksi at tuluy-tuloy na sa nais niyang gawin talaga na para anya sa kanya ay mas kapaki-pakinabang na bagay.
Itinanggi rin ni AJ na family serye ang WPS, ang TV, Radio at Online Streaming series. Nagkataon lang daw na kasama niya sa proyekto ang amang si Jeric Raval at bf na si Aljur Abrenica kaya mas dumagdag ang kasiyahan niya.
Ang WPS ay isang advocacy series na may temang fiction, drama, action at romance. Ito ay hinggil sa pag-asa at pagiging matatag ng mga Pinoy. Papaksain din sa WPS ang pag-ibig at halaga ng pagkakaisa. Ipakikita rin sa serye ang tunay na ibig sabihin ng nasyonalismo para sa bayan.
Maliban kina AJ, Jeric at Aljur, kasama rin sa WPS sina Ayana Misola, Daiana Menezes, Ali Forbes, Rannie at Lance Raymundo, Mossimo Scofield at marami pang iba.
Para kay Ayanna na isa ring sexy star tulad ni AJ, sinabi nitong tuloy pa rin daw ang pagpapaseksi niya bagama’t sa paggawa niya ng WPS ay malilimitahan na ang pagpapakita niya ng balat o skin.
Sey nga ni Dr. MIke Aragon, ang chairman ng KSMBPI, unang season lang anya ito ng WPS at sa pagpapatuloy pa nito ay marami pang ibang artista ang inaasahang sasali rito gaya ni Sen. Robin Padilla.
Para rin kay Doc Mike ay bayani ang mga artistang kasali sa WPS dahil wala isa man daw sa mga ito ang tumanggap ng tf o talent fee. Naniniwala ang mga stars ng WPS na dapat lang anya silang mapabilang sa advocacy series na ito bilang pagmamahal at pagmamalasakit nila sa bayan at sa mga kapwa-Pilipino.
Sinabi rin pala ni Doc Mike na ipalalabas ang WPS sa ilang TV stations at streaming platforms gaya ng Viva One na may sampung milyong subscribers na, at sa DZRH TV and Radio. Inaasahan ding maipalalabas ito sa Netflix.
Ang soundtrack nga pla ng serye ay pinamagatang Retake WPS na pinerform ng The Company at may title na Huwag Mong Palampasin.
Abangan nating lahat ang unang season ng WPS na nararapat lang panuorin ng madlang pipol nang malaman natin ang tunay na kalagayan ng West Philippine Sea.