Advertisers

Advertisers

MATALAS ANG DILA HUNGKAG ANG DIWA

0 3,416

Advertisers

Kapuna – puna ang pagkahilig ng kaTimugan sa mga kauring tauhan na ‘di masilip ang angking galing. Matalas ang dila sa pagsagot ngunit hungkag ang diwa na batid ang paglulubid ng kasinungalingan na nagbigti sa sarili sa kabalbalang ginawa sa mga tanggapan ng tinatanganan. Hindi nakitaan ng lohika ang isang mataas na opisyal ng tanggapan ng abalang pangulo ng dumalo sa pagdinig ng QuadCom hinggil sa ‘di maipaliwanag na pagtustos sa P617M confi /intel fund. May kaalaman sa batas ang panauhin na patunay na malaki ang tiwala ni Inday Siba sa daloy ng mga papasok o lalabas na impormasyon o dokumento sa tanggapan. Sa paghawak sa maselang pwesto sa tanggapan ng abalang pangulo, hindi maitatanggi na kalakip sa pwesto ang malawak na kapangyarihan sa pagpapalakad ng tangapan higit kung wala si Inday Siba at nanonood ng konsiyerto ni Taylor Swift sa ibang bansa.

Mabigat ang tinatanganang pwesto ng abogada sa tanggapan ni Inday Siba na daluyan ng mga opisyal na dokumento na labas masok sa tanggapan. Sa pagtatanong ng mga kinatawang bayan sa usaping nasa harap hinggil sa galaw ng tangapan ng abalang pangulo, pansin ang kaalaman ng panauhin sa maliliit o malalaking transaksyong pinasok ng tanggapan. Patunay na malawak ang ginagampanan sa pagpapatakbo ng opisina ni Inday Siba. Sa maliit at malaking transaksyon ng OVP, silip ang tiwala ni Inday Siba na dahilan na maging sa dating tanggapan ng pinamumunuan bilang kalihim ng DepEd, dama ang impluwensya ng punong tauhan. Sa tiwalang ipinagkaloob ni Inday Siba sa punong tauhan, silip ang pag pagmamando nito maging sa mga tauhan ng DepEd. Batid ng mga tauhan sa kagawaran ang malawak na impluwensya ng punong tauhan ng OVP at ang ibig nito’y batas na dapat sundin kung ayaw maindulto sa trabaho.

Malawak ang kapangyarihan ng punong tauhan ni Inday Siba, at mula dama ang mga utos o atas sa usapin sa DepEd na maging ang nahirang opisyal sa ilalim ng kalihim ay sinabihang magbitiw. Walang pagdududa sa impluwensiya ng punong tauhan ng OVP na maging ang matagal na opisyal ng DepEd ay nagbitiw sa pwesto dahil sa ‘di pagtalima sa salang utos. Subalit, hindi masabihan kuno ni Inday Siba ang opisyal ng kawalan ng pagtitiwala sa gawain at inutos sa punong tauhan ang pagsasabi sa opisyal ng DepEd. Sa totoo lang, ang malinaw na dahilan na kawalan ng tiwala’y ang pagkaunsiyami ng takot sa transaksyong ‘di sinangayunan ng opisyal. At sa isang banda, ang pag-uutos na iba ang magbangit ng kawalan ng tiwala ng abalang pangulo este ng dating kalihim sa opisyal ay pag-iwas na mapag-usapan sa nilulutong transaksyon na pagkakaperahan. Walang tuwirang pag-amin ngunit sa galaw at kawalan ng ala-ala ng panauhin ng QuadCom silip ang kabila ng katotohanan, ang kasibaan sa salaping bayan ng punong guro.



Sa lawak ng kapangyarihan sa mga gawain ng punong tauhan mula sa OVP, hindi mabangit kung dumaan ang opisyal ng DepEd na pinagbibitiw sa tamang proseso ng pagdinig. At nabatid na hindi naganap ang “due process” na dapat na ipinatupad sa sinumang tauhan ibig alisin o paalisin. Ang masakit, nasilip ang pagsisinungaling ng punong tauhan ng sabihing nag-iisang pangyayari ang naganap na pagsasabi ng pagbibitiw ng opisyal ng DepEd. Dahil sa sumunod na katanungan mula kay Kon. JL, nahuli ang kasinungalingan ng punong tauhan dahil may katulad na dahilan, sa pagbibitiw ng ilan pang opisyal dahil sa kawalan ng pagtitiwala kuno ni Inday Siba. Malinaw na ‘di nagsasaad ng katotohanan ang punong tauhan na katangian ng kaTimugan, matalas ang dila ngunit ‘di ang diwa, hehehe.

Sa pagdinig pa rin, muling gumana ang kasinungalingan ng punong tauhan ng OVP ng sabihing ‘di batid ang daloy ng transaksyon hinggil sa paggamit ng Confidential & Intel Fund ng dalawang tanggapan (OVP/DepEd). Sa lawak ng kaalaman sa mga tanggapan, ang sabihing hindi batid ang pinaggamitan ng bangit na pondo hinggil sa CIF ay isang tuwirang pagsisinungaling gayung batid ang labas pasok ng dokumento’y dumadaan sa tanggapan bilang punong tauhan, at ‘di takbo ng bangit na pondo. At sa totoo lang, nakalimutan ng panauhin ng QuadCom ang sariling lagda sa ipakitang dokumento na patunay na pagtatakip sa transaksyong bangit. Silip ang mga halaga ng bawat pinaggastusan gayung walang kabatiran ang usal ng panauhin. Malinaw pa sa tubig dagat na kita ang ilalim ngunit o tila nabulag ang punong tauhan at ‘di masabi kung saan nagamit ang pondo. Sa banggit na dokumento, silip ang pinaggamitan ng tanggapan ngunit ‘di maalala ang pinagtustusan ng panauhin. Ito ba’y bahagi ng P125M na inubos sa loob ng 11 araw? O’ ang pinasok na transaksyon Mary Grace Piattos?



Hirap na hirap ang panauhin sa pagpapaliwanag ng mga tustusin sa tanggapang kinakatawan higit ng mahungkat ang pondong P617M. Ang kawalan ng mga dokumentong magtutukoy sa bakas ng mga transaksyon ang ikinagulat ng COA. At sa tanungan ng mga kinatawan kung nakapaloob sa CIF ang mga gastusin, hindi o ayaw sagutin ng panauhin mula sa OVP. Tulad ng naganap sa mga unang pagdinig sa QuadCom kung saan na natuyuan ng utak si Totoy Osla na inako ang lahat ng sala ng tauhan maging ang paggamit ng CIF ng pondo ng dating pangulo. At pabalang na sumagot sa tanong na “confidential nga bakit tinatanong”. Malinaw na ‘di ibig sagutin ng panauhin ang tanong sa tustusin ng CIF at tila itinuturo si Inday Siba ang may kabatiran hinggil sa pondong bangit. Hindi batid ng panauhin ng QuadCom ang pagkawala ng pondo ngunit ang kabatiran sa pag-uugali ng punong guro’y tila pag-amin sa pinatunguhan ng salaping bayan.

Mahirap mapagtakpan ang katotohanan kahit ng milyon milyong kasinungalingan dahil ang paglulubid ng salang pagsasaad ay ‘di makakapantay sa isang katotohanan. Ang pagsasabi ng totoo’y tunay na magpapalaya sa sinuman. Ang kawalang alam ngunit batid ang ugali ng nakasama ng may katagalan ang basehan na maglalahad ng patutunguhan. Malinaw na hindi nagamit ang salaping bayan ayon sa paghahayag ng mga dokumentong ipinamalas. Ang salang pagpapangalan sa mga transaksyon ng pagtustos tulad ni Mary Grace Piattos na may palsipikadong transaksyon na naganap sa tanggapan ng kinakatawan. Walang pagdududa na may takipang naganap na nahukay ng COA at ang ngalan na nabunyag ang nagpapakita ng kasibaan ng punong guro ng kagawaran at opisina ng abalang pangulo. Huwag ng magpatumpik tumpik dahil tumbok na ang may sala, ang maghain ng impeachment ang gawin laban kay Inday Siba at sundan ng usapin sa husgado ng mapanagot ang mapagmalabis sa pera ng bayan. Ang matalas na dila’y walang saysay sa hungkag na diwa ng kaTimugan.



Maraming Salamat po!!!!