Advertisers
ARESTADO ang anim na miyembro ng ‘gun-for-hire’ criminal group at nahulihan ng matataas na kalibre ng baril sa isigawang pagsalakay ng pulisya sa pinagtataguan ng mga ito sa Caloocan City nitong Sabado.
Sa report mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) acting director Brigadier General Josefino Ligan, kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Tomboy”, umano’y lider ng Alcandara Gun-for-Hire Criminal Gang, residente ng Brgy. 36, Caloocan City; alyas “Jharvis”, “Ranie”, at “Renzo” na pawang taga-Tondo, Manila; at alyas “Roel” at “Jerry”, kapwa residente ng Binangonan, Rizal.
Alas-4:57 nang salakayin ng mga operatiba ang lungga ng grupo sa Brgy. Marulas B, Caloocan City.
Iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril kabilang ang Bushmaster rifle na may 25 bala ng kalibre 5.56mm, Glock 17 Gen 4 na may 15 bala ng kalibre .9mm, Glock 19 pistol na may 13 bala ng kalibre .9mm, at Taurus PT 1911 pistol na may walong bala ng kalibre .45 sa magazine ang nasamsam ng pulisya mula sa nasabing criminal group.
Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director BGen. Anthony Aberin, sinabi ni BGen. Ligan na naging daan ng kanilang pagkakalansag sa naturang grupo ang pagsisilbi ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng warrant of arrest mula sa Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 129 laban kay alyas Tomboy, akusado sa kasong murder at walang piyansa.
Samantala, isinumite na sa NPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang armas na pawang hindi lisensyado upang isailalim sa ballistic examination.(Beth Samson)