Advertisers
ARESTADO ang isang lalaki na sangkot umano sa insidente ng pagpatay at serye ng carnapping sa Maynila makaraan ang ilang buwan niyang pagtatago.
Ang suspek ay nadakip habang gumagamit pa umano ng ilegal na droga ilang metro lang ang lapit sa isang pre-sinto sa lugar.
Sa ulat nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagsalakay ng mga tauhan ng Baseco Police Station sa isang bahay kungsaan nagtatago ang subject ng operasyon na si alyas “Ismael”.
Kabilang sa mga na-carnap ng suspek at kaniyang kasamahan ang isang sedan at isang “tuktuk” na pag-aari ng barangay chairman ng Baseco, ayon kay Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, Station Commander ng MPD-13.
May pinatay din umano ang suspek nitong nakaraang taon, bago nagtago sa may Delpan Street, Tondo.
Nadakip din kasama ng suspek ang isa pang lalaki na itinuturong kasabwat niya sa paggamit ng ilegal na droga.
Dalawang revolvers, ilang sachet ng shabu, kutsilyo at isang susi ng kotse ang nakuha sa operasyon.
Isasailalim ng pulisya sa ballistic comparison ang dalawang revolvers na kanilang nakuha mula sa mga suspek para malutas ang iba pang murder cases sa Baseco Compound.
Mananatili sa kustodiya ng Baseco Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, paglabag sa Omnibus Election Code at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip. (M.Obleada/J. Domenden)