Advertisers
MADALAS namin sabihin na hindi pa natatapos ang isyu ni Gongdi at sampu ng kanyang mga kasapakat sa International Criminal Court (ICC). Kumikilos ang proseso ng ICC kahit walang narinig kahit gaputok mula sa ICC. Sa ganang amin, hindi kailangan ibando ng ICC ang bawat galaw ng kanilang proseso. Hindi ito makakatulong upang mapanagot sila sa kanilang kasalanan sa sambayanan.
Batay sa kanilang mga huling pahayag, kinikilala ng mga nasa poder ang proseso ng ICC. Ayon kay Justice Secretary Boying Remulla, nakahanda ang mga kinatawan ng gobyerno BBM na umupo kaharap ang mga taga-ICC upang pag-usapan ang isyu ni Gongdi at mga kaalyado. Sumang-ayon si Executive Secretary Lucas Bersamin sa pahayag ni Remulla ang sinabing “kikilos ng positibo” ang gobyerno sa anumang hiling ng ICC.
Nahaharap sa sakdal na crimes against humanity si Gongdi at mga kapanalig kaugnay sa maugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi noong termino niya.Hindi kinilala ni Gongdi ang batas at iniutos niya ang agarang maramihang pagpatay sa mga taong pinaghihinalaang mga adik at tulak ng ipinagbabawal na gamot.
Dahil hindi kumilos ang sistemang pangkatarungan g bansa noong panahon ni Gongdi, naunang nagsampa ng reklamo sa ICC ang Samahang Magdalo na pinangunahan ni Sonny Trillanes at Gary Alejano dahil mga mambabatas sila noong panahon na iyon. Sumunod ang ibang grupo tulad ng Rise Up for Life, isang civil society organization na binuo upang tulungan ang mga pamilya na mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs), at National Union of People’s Lawyers (NUPL). Kumilos ang mga reklamo at nasa estado na ito ng “formal investigation” sa ICC.
Mahalaga ang estado dahil susunod na dito ang formal trial, o pagdinig sa usapin. Ito ang estado kung saan pahaharapin si Gongdi at mga kasapakat sa mga hukom na pangangalanan ng ICC upang dumidinig sa kaso. Pagkatapos ng pagdinig, magbibigay ng kaukulang desisyon ang mga mahistrado sa isyu. Maaaring ideklara ng ICC may sala or wala ang mga nasasakdal.
Dahil sumulong sa estado ng “preliminary investigation” ang sakdal, idineklara ni Gongdi noong 2018, sa payo ng mga patapon at pipitsuging manananggol tulad ni Harry Roque at Sal Panelo, tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute, a tratadong bumubuo sa ICC. Kasapi ang Filipinas sa Rome Statute mula 2011. Kinilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ni Gongdi bilang pangulo na tumiwalag sa Rome Statute.
Ngunit kinilala ng Korte Suprema ang pananagutan ni Gongdi ang mga reklamong isinampa laban sa kanya dahil kasapi ang Filipinas sa Rome Statute nang maganap ang malawakang patayan kaugnayan sa war on drugs ni Gongdi. Kontra sa limitado at maling interpretasyon ni Roque at Panelo, hindi natapos ang pananagutan ni Gongdi ng tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute noong 2018.
Nagkabisa ang pagtiwalag ng Filipinas noong 2019, batay sa probisyon ng tratado. Niliwanag ni Barsamin na kahit natapos na ang obligasyon ng Filipinas sa Rome Statute dahil tumiwalag na ito, hindi nangangahulugan na hindi nila isusuko si Gongdi at kasangga kung sakaling hingin sila upang humarap sa pagsisiyasat ng ICC.
Niliwanag ni Bersamin na maaaring padaanin ang kanilang pag-aresto sa International Police kung saan kasapi ang Filipinas. Kapag nangyari ito, hindi makatanggi ang Filipinas, aniya. Kahit anong pagsusuri, binuksan ng mga pahayag ni Remulla at Bersamin ang pinto upang dakpin ang mga mamamatay tao ng mga walang laban na nilalang.
Kahit saan anggulo tingnan, hindi isinasara ng gobyerno ni BBM ang pinto sa ICC upang gampanan ang tungkulin na dakpin at parusahan ang mga taong nagkasala sa mga krimen na pang-internasyunal tulad ng crimes against humanity, pagpuksa sa isang lahi o lipi (genocide at ethnic cleansing), at paglulunsad ng pakikidigma (war crimes), mass evacuation, at iba pa.
Batay sa mga nalathalang ulat, may mga bahagi ng kasunduan internasyunal ang kailangan linawin bago dakpin si Gongdi at ga kasama sa krimen, ani Bersamin. Hindi basta gagalaw ang ICC kung hindi malinaw ang mga isyu sa pagdakip. Hindi ito kikilos kung sa huli’y idineklarang hindi ayon sa batas, o illegal, ang galaw.
Sa maikli, kumikilos ang sakdal laban kay Gongdi. Hindi ito tapos tulad na ipinagkakalat ng mga kapanalig ni Gongdi na sina Francis Tolentino at Robin. Hindi totoo na walang kapangyarihan ang ICC sa isyu dahil tumiwalag na ito sa Romeo Statute tulad ng ipinamamarali ni Bato at Bong Go. Hayaan natin lamunin nila ang kanilang sinasabi sa huli.
Kinikilala naming ang kanilang mga pahayag bilang alas na baraha kontra Gongdi at pangkat ng mga mamamatay tao. Paraan ito upang tuluyang silang mawala sa pulitika ng bansa. Kahit ano pa ang sabihin nila, isang masamang panaginip ang kanilang giyera kontra droga sapagkat pinaslang ang mga mamamayan ng walang pakundangan at paggalang sa batas.
***
MGA PILING SALITA: “Rodrigo Duterte is irrelevant. He’s a lameduck ex-president – morally and politically. He doesn’t have to teach the Filipino people whom to vote for and on what basis in any elections. He doesn’t have the intellect and moral ascendancy to teach and advise us on our voting ways. Let him take the sidelines. He’s best ignored.” – PL, netizen, kritiko