Advertisers
HALOS tapos na ang ekslusibong panayam, ngunit tila may likot ang isip ng isang mamamahayag sa radyo nang bigla niyang tanungin si BBM kung handa siyang makipagkasundo muli sa mga Duterte. Dating kakampi ni BBM ang mga Duterte, ngunit nagtalusira sila kamakailan dahil sa isyu ng poder at katakawan ni Misfit Sara sa salapi ng bayan.
Hindi nagbigay ng konteksto si mamamahayag ng radyo sa biglang tanong. Basta itinanong niya ng walang pasakalye o paliwanag anuman sa konteksto. Dahil hindi nagsusulat, hindi matalim si radio host sa pagbibigay ng konteksto. Wala siyang kasanayan sa ganoon. Hindi niya training iyan kaya hayaan na lang natin siya sa ganyang istilo.
Hayaan ninyo na kami ang magpaliwanag sa relasyon ng dalawang malaking pamilya sa pulitika ng bansa. Dating magkakampi si BBM at Misfit Sara at tumakbo silang magkasama sa isang tiket noong 2022. Naghiwalay ng dumaloy ang maraming akusasyon sa maling paggamit sa confidential fund ni Misfit Sara sa OVP at Deped sa simula ng 2023.
Noong nakaraang taon, dala marahil ng init ng ulo, nagbitiw si Misfit Sara bilang kalihim ng Deped at dito nagsimula ang opisyal na paghihiwalay ng dalawang pamilya. Noong nakaraang taon, nag-umpisa ang proseso ng impeachment laban kay Misfit Sara dahil sa akusasyon na dinambong niya ang P612 milyon na confidential fund na ibinigay sa kanya.
Noong Pebrero, nilagdaan ng 240 kasaping-mambabatas sa Camara de Representantes ang Articles of Impeachment laban kay Misfit Sara. Isinumite sa Senado upang umpisahan agad ang paglilitis laban sa kanya. Inupuan ito ng Senado, ngunit may opisyal na pahayag si Tricky Tsis na uumpisahan ang paglilitis sa kanya sa ika-30 ng Hulyo.
Hindi pa tapos ang away ng dating magkasama sa pulitika. Noong ika-11 ng Marso, dinakip ng magkasamang team ng PNP at Interpol si Gongdi at kagyat dinala sa punong himpilan ng ICC sa Olandiya. Nakakulong hanggang ngayon si Gongdi sa piitan ng ICC at haharap siya sa sakdal na crimes against humanity kaugnay sa madugo pero palpak na war on drugs.
Sa aming pakiwari, hindi ordinaryo ang away ng dalawang pamilya. Malalim na ang sugat na iniwan ng kanilang tunggalian sa mga nakalipas na buwan. Hindi namin nakikita na kagyat na magbabati sila. Iyan ang konteksto na hindi binanggit ng radio host sa panayam. Basta nagtanong si radio host ng walang maliwanag na konteksto.
Dahil hindi malinaw ang konteksto, lumusot si BBM. Nagbigay ng maituturing na motherhood statement si BBM. Ang ibig sabihin, hindi puede kontrahin ang kanyang sinabi. Walang lider ang may nais na marami siyang kaaway. Natural sa bawat nilalang ang umiwas sa gulo. Ito ang konteksto ng kanyang sagot sa hindi inaasahang tanong ni radio host.
Biglang pasukan ang ilang asungot sa biglang tanong ni radio host at sagot ni BBM. Ang labis na nakakatawa, ang mga asungot pa ang naglatag ng kundiyones upang magkaroon umano ng “tunay” na pagkakasundo ang dalawang pamilya. Kailangan ng “tunay na sinseridad” si BBM, ani Bato sa isang pahayag. Kailangan ibalik si Gongdi sa bansa, ani Bong Go at Sal Panelo sa magkahiwalay ng pahayag.
Linawin lang natin ang isyung hinaharap sa bayan. Hindi basta maibabalik si Gongdi sa bansa dahil nasa ilalim ng siya ng kustodiya ng ICC at sumasailalim siya sa kanilang proseso kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ng kanyang mga katunggali sa pangunguna ni Sonny Trillanes at iba pang grupo. Hanggang hindi nagdedesisyon ang ICC bilang hukuman sa sakdal, hindi maibabalik si Gongdi sa bansa.
Kung ipawalang sala si Gongdi sa sakdal, maaaring siyang pakawalan ng ICC at ibalik sa bansa. Ngunit kung hindi, mananatili siyang nakakulong sa piitan ng ICC. Hindi rin siya maaaring pakawalan habang sumasailalim siya ng paglilitis dahil kailangan harapin niya ang mga paratang sa kanya. Iyan ang hindi nauunawaan ng mga asungot ni Gongdi.
Ibinigay ni BBM si Gongdi sa ICC noong ika-11 ng Marso. Ito ang batayan kung bakit dinala si Gongdi sa punong himpilan ng ICC sa Olandiya. Hindi basta mababawi ni BBM ang pagsuko niya kay Gongdi sa ICC. Hindi ganoon kasimple ang usapin ng pagbabalik ni Gongdi sa bansa. Hindi ito naiintindihan ng mga asungot sa aming tingin. Limitado ang kanilang pag-iisip pagdating sa mga kumplikadong isyu ng bansa.
Tapatang usapan: Walang maasahan ang mga tagasuporta ni Gongdi sa madaliang pagbabalik ni Gongdi sa bansa. Magtatagal pa siya sa piitan ng ICC sa Olandiya. Mananatili siyang walang kausap doon maliban lang kung bisitahin siya ng mga kamag-anak doon. Susuka ang pamilya niya ng malaking halaga upang bayaran ang saksakan na mahal na abogado na kanilang kinuha siya upang katawanin siya sa hukuman ng ICC.
Pinakamaiging huwag magtiwala sa mga pekeng balita na ikinakalat ng sinuman na makakawala pa si Gongdi sa madaling panahon. Hindi totoo ang mga balitang iyon at ang totoo ay dadaan siya sa butas ng karayom upang makabalik sa bansa. Huwag mangarap ng gising.