Advertisers
MULING bubuksan ng Kongreso ang kanilang regular sa sesyon sa ika-2 ng Hunyo upang tapusin ang ilang gawain na naantala dahil sa nakalipas na halalan. Paglilinaw: Mayroon regular sesyon ang Pang Labing Siyam na Kongreso (19th Congress). Sa ika-30 ng Hunyo matatapos ang kanilang termino. Sa ika-1 ng Hulyo, bubuksan ang Pang Dalawampung Kongreso (20th Congress). Ito ang bagong Kongreso kung saan kasama na ang mga nanalong mambabatas sa nakaraang halalan.
Hindi namin alam kung ano ang agenda sa Camara de Representantes. Nakapaskel ang kanilang gagawin sa website ng Kongreso. Pero alam namin ang Senado sa araw na ito. Tatalakayin at maaaring aprubahan ng Senado ang Rules of Procedure na gagamitin at iiral sa sandaling binuo ang Senado bilang impeachment court na lilitis kay Misfit Sara.
Hindi pa alam kung ano ang mga tuntunin na susundin ng Senado sa sandaling umupo ang mga senador bilang mga hukom sa paglilitis kay Misfit Sara na haharap sa Articles of Impeachment na may pitong paratang sa paglabag sa Saligang Batas at pagtataksil sa tiwala ng sambayanan.
Kasama sa mga bintang sa kanya ang paglustay umano sa P612 milyon na confidential fund na ibinigay sa kanya bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Deped. Kasama rin ang pagbabanta niya na ipapapatay niya si BBM, ang Unang Ginang na si LAM, at Ispiker Martin Romualdez.
May kalumaan ang kasalukuyang Rules of Procedures sa impeachment trial. Inaprubahan ito noong 2012 at ginamit sa paglilitis kay Punong Mahistrado Renato Corona. Natalo si Corona sa paglilitis at inalis ng Senado sa Korte Suprema.
Hind namin alam kung ano ang laman ng panukalang Rules of Procedure na ihaharap sa Senado sa pagbubukas ng Kongreso sa Lunes. Walang pahimakas si Tricky Tsis kung ano ang poder ng presiding officer sa Senado bilang hukuman. Hindi malinaw kung awtomatikong presiding officer ang Senate President tulad ng nangyari sa paglilitis kay Corona kung saan si Juan Ponce Enrile ang Senate President at tumayong presiding officer.
Makapangyarihan ang presiding officer sa Senado bilang impeachment court sa kasalukuyang alituntunin. May poder ito ng mag-isyu ng anumang order, memorandum, at katwiran sa Senado bilang hukuman. Ngunit may matinding duda kay Tricky Tsis kung siya ang uupong presiding officer dahil makiling siya kay Misfit Sara nang isumite ng Camara ang Articles of Impeachment na nilagdaan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara.
Hindi agad binuo ni Tricky Tsis ang Senado bilang impeachment court na itinatadhana ng Saligang Batas. Nagbigay si Tricky Tsis na mga nakakatawang katwiran at kasama dito ang maling interpretasyon niya sa salitang “forthwith” sa Saligang Batas. Nabisto ang kulay ng salawal ni Tricky Tsis sa kanyang pakikitungo kay Misfit Sara.
Sa ganang amin, may dalawang isyu ang dapat harapin ng Senado sa kanilang Rules of Procedure. Una, ang presiding officer sa paglilitis. Ayon sa Konstitusyon, kung ang nililitis ay ang Pangulo ng bansa, awtomatikong ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang uupong presiding officer. Ngunit kung hindi ang Pangulo ang nililitis, maaaring ang Senate President ang umupong presiding officer.
Ganyan ang nangyari noong nilitis si Corona at umupong presiding officer si Juan Ponce Enrile sa Senado bilang hukuman. Natalo si Crona at kagyat siyang inalis sa Korte Suprema. Iminumungkahi naming na hirangin ng Senado ang isang taga-labas at kung maaari ay si Punong Mahistrado Alex Gesmundo ang umupong presiding officer ng Senado bilang hukuman.
Pangalawa, kailangan harapin ng Senado ang isyu ng mga maiingay na senador. Itinuturing ng isang desisyon ng Korte Suprema na political process ang impeachment trial. Hindi maaaring makialam ang Ehekutibo at Hudikatura sa Senado habang naglilitis. Wala itong magagawa kahit anong gawin at sabihin ng mga senador.
Ideklara ng Senado hindi kuwalipikado na umupo bilang hukom ang sinumang senador na magsasabi ng mga salitang magsisilbing hatol agad, o prejudgment, sa sakdal kay Misfit Sara. May apat o lima ang senador na nagsabing mapapawalang sala si Misfit Sara.
Hindi dapat umupong hukom sina Bong Go, Bato dela Rosa, Jinggoy Estrada, Robin Padilla, at Imee Marcos dahil sa kanilang magkakahiwalay na pahayag na mukhang mapawalang sala si Misfit Sara. Pinakamaingay si Bato na nagsabing may numero si Misfit Sara sa Senado upang mapawalang sala si Misfit Sara.
Tinatawanan lang si Bato dahil nabalitang tumakbo ito sa Europa upang iwasan ang team ng ICC investigator na nasa bansa upang kapanayamin ang mga heneral na sangkot sa madugo pero palpak na giyera kontra droga ni Gongdi. Nabalitang bumaliktad ang mga hindi nakilalang heneral ng PNP at itinuro si Bato bilang pangunahing may-akda ng war on drugs ni Gongdi.
Takot si Bato na makulong kahit nahalal siyang muli bilang senador. Bagaman nakasumpa na, hindi malaman kung babalik siya sa Senado dahil totoong kinakabahan siyang makulong ng ilang taon sa piitan ng ICC. Duwag si Bato at tumatakbo sa pananagutan niya sa batas. Siya ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi kung saan humigit kumulang 30,000 katao ang namatay o pinatay ng mga pulis at hindi nakilalang anti-drug vigilante.
Samantala, matindi ang tunggalian sa poder (power struggle) ng mga senador. Hindi malaman kung sino kina Tricky Tsis, Tito Sotto, at Imee Marcos ang uupong Senate President na may malaking papel na ginagampanan sa paglilitis ni Misfit Sara.