Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
Baron bumabawi na sa anak kay Nadia; Robi bagong peyborit ng Dos
IN-ANNOUNCE na ng Kapamilya network na si Robi Domingo ang premier host ng Idol Kids Philippines, na malapit nang mapanood sa susunod na buwan.
Magiging co-host niya rito ang ‘90s Pop Icon na si Jolina Magdangal.
Bongga si Robi dahil hindi pa natatapos ang Pilipinas Got Talent, meron nang nakalinyang trabaho para sa kanya
Idagdag pa riyan ang pagiging host niya ng nagwakas na Time To Dance, at ng Pinoy TV reality competition show na Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.
Napapanood din siya paminsan-minsan bilang host sa Sunday noontime musical variety show na ASAP.
Bagama’t may mga natuwa para kay Robi dahil feeling nila ay deserved nito ang bagong hosting job, marami rin naman ang nang-okray sa TV host.
Hirit ng ilang nagmamaldita, pinakyaw na raw ni Robi ang halos lahat ng shows ng ABS-CBN. Siya lang daw ba ang magaling mag-host at hindi kumuha ng iba?
May mga nang-intriga pa na panis o kabog daw ngayon ni Robi si Luis Manzano sa pagiging indemand pagdating sa paramihan ng hosting job.
Kung dati raw ay si Luis ang paborito ng ABS-CBN bilang host, ngayon daw ay si Robi na.
***
MAY basbas na talaga si Nadia Montenegro kay Baron Geisler para makabawi ito bilang ama ng kanilang anak na si Sophia
Sa recent interview ng aktres sinabi pa niya na sa kasalukuyan ay nasa poder ng aktor ang anak mula pa Pebrero. Abala raw ang mag-ama sa pag-asikaso sa pag-enroll ni Sophia dahil college na ito.
Maaalala ngang mag-iisang taon na mula nang aminin ni Nadia sa publiko na si Baron ang ama ng isa sa mga anak niya.
Maaalala ring halos ayaw pag-usapan ni Nadia ang tungkol dito pero kalaunan ay napatawad na rin niya si Baron at hindi na ipinagkait ang anak. Pumapayag na rin ito sa co-parenting set up.
Kaya naman todo rin ang kayod na Baron ngayon dahil bahagi ng pagbawi niya ay ang pagsuporta sa pag-aaral ni Sophia. Mabuti na lamang at hindi nababakante ng trabaho ang aktor. Bukod sa regular siyang napapanood sa seryeng Incognito, may upcoming movie projects din siya.