NTF-ELCAC NANANAWAGAN SA COMELEC: ISUSPENDE ANG PROKLAMASYON NG KABATAAN, MULING BUKSAN ANG DISQUALIFICATION CASE NG GABRIELA
Advertisers
Torres: “Huminto, magsaliksik, at pangalagaan ang tiwala ng publiko.”
Nanawagan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Commission on Elections (COMELEC) na agad kumilos sa harap ng mga bagong impormasyon na nag-uugnay sa mga grupong aktibistang kabataan sa armadong pakikibaka at mga kaso ng pang-aabuso sa loob mismo ng kanilang hanay.
Sa isang pahayag, hinikayat ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. ang COMELEC na agad na isuspende ang proklamasyon ng Kabataan Partylist (KPL) at mulîng buhayin ang matagal nang nakabimbin na disqualification proceedings laban sa Gabriela Women’s Partylist (GWP).
Ang panawagan ay kasunod ng kumpirmadong pagkamatay ni Jhon Isidor “Dee” Supelanas, dating tagapagsalita ng Kabataan sa Cebu, na napatay sa isang engkuwentro sa Kabankalan noong nakaraang Abril.
“Hindi ito isang nakahiwalay na insidente,” diin ni Torres. “Bahagi ito ng isang nakababahalang padron kung saan ang mga lider-kabataan—na nagsisimula sa legal na organisasyon—ay nauuwi sa pagiging armadong kasapi ng NPA.”
Binigyang-diin ng NTF-ELCAC ang mga dokumentadong kaso, kabilang ang mga post sa social media, pampublikong parangal, at mga sinumpaang salaysay mula sa mga dating kadre na nagpapakita ng parehong landas ng dating mga lider ng Gabriela at iba pang kaalyadong grupo.
Mas nakakabahala pa, ayon kay Torres, ang mga alegasyon ng sexual assault na kinasasangkutan ng mga lider ng KPL mula 2023 hanggang 2025. Ayon sa biktima, hindi bababa sa dalawampu (20) ang dumulog at nagsabing dumanas din sila ng parehong pang-aabuso.
“Ang naging tugon ng Kabataan ay isang pangkalahatang pahayag laban sa gender-based violence, ngunit sadyang iniiwasan nitong kilalanin na ang mga salarin ay mula mismo sa kanilang organisasyon. Ang pananahimik na ito ay nagpapalaganap ng kultura ng kawalang pananagutan,” ayon kay Torres.
Binigyang-diin niya na kinikilala ng Task Force ang kahalagahan ng party-list system sa pagbibigay ng boses sa mga nasa laylayan, ngunit hindi ito dapat gawing daan ng radikalisasyon o pagtatakip sa pang-aabuso.
Nanawagan ang NTF-ELCAC sa COMELEC na ipakita ang political will at gampanan ang tungkuling masusing pagbusisi sa mga isyu:
“Hindi ito panunupil, kundi isang pansamantalang hakbang ng pag-iingat. Ang mga patay na katawan at mga salaysay ng mga nakaligtas ay malinaw na panawagan: huminto, magsaliksik, at pangalagaan ang tiwala ng publiko,” mariing pahayag ni Torres.
Sa huli, hinamon ni Torres ang pamunuan ng Kabataan at Gabriela na tuluyang kondenahin ang CPP-NPA-NDF at harapin ang mga kaso ng pang-aabuso sa kanilang sariling hanay.
“Kung tunay kayong naglilingkod sa taumbayan, magsimula kayo sa pagtanggap ng masakit na katotohanan,” aniya.
“Ipakita ninyong ang inyong paninindigan sa demokrasya ay may kasamang pananagutan at katapatan—hindi pananahimik—lalo na kung buhay at karapatan ang nakataya.”