Advertisers
MARAMING beses ko na itong tinalakay sa pitak na ito, kapansin-pansin kasi dear readers na hanggang ngayon tayo, kahit hirap mag-English , ay nakupo, sige pa rin, pataasan ng ihi sa pag-i-English, e kaya namang mag-Tagalog o mag-Taglish.
Hindi ba’t mas madali namang masabi ang gustong sabihin kung Tatagalugin, at yung mga nakikinig na dayuhan, bahala sila makinig sa interpreter natin.
Pansinin nyo mga masugid kong tagasubaybay, ang mga lider o pinuno ng Hapon, Intsik at Koreano, kapag po sila ay nag-i-speech, sariling wika ang ginagamit nila, at may kasama silang interpreter.
E sa atin, halimbawa sa Senado, Kongreso o sa mga miting ng mga ahensya ng gobyerno, por dios por santo, talagang pataasan ng ihi sa pag-i-English, e kaya namang mag-Tagalog o mag-Taglish.
Kasi, pag daw, nag-English, feeling superior, matalino at sosyal, pogi o charming, ismarte pag Inglesero/a.
Pansin nyo ba, si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. pag nasa labas ng bansa kaharap ang mga pinuno o lider tulad ng Japan etc., dehins siya nagta-Tagalog sa kanyang speech, he’s spokening dolllar, at pag naipit sa tanong ng mga tanong ng foreign media, bubulalas siya ng “Oh, my God!”
E, pwede namang mag-Tagalog o mag-Taglish si PBBM, at bahala nang sagutin sa English ng magaling niyang interpreter ang kanyang kausap.
E, si Chinese President Xi Jinping kahit marunong mag-English, nagma-Mandarin siya at napansin nyo, kahit marunong mag-English ang ibang lider, wikang sarili nila kung sila ay magtalumpati o sumagot sa media.
Proud sila sa kanilang sariling wika, ipinagmamalaki ang kanilang kultura, mataas ang respecto o paggalang nila sa sariling wika nila, at hindi nila ikinahihiya na magsalita sa mother language nila.
Naalaala ko, sabi ni Dr. Jose Rizal na ang di magmahal sa sariling wika, ano po? … katulad sa malansang isda.
E, tayo, nakikipagbardagulan tayo ng English sa mga dayong iyon gamit ang sariling wika nila.
It’s time na turuan natin sila ang mga dayuhang dignitaries na magsalita ng wikang Pinoy, o kaya magdala sila ng sariling interpreter.
Kailangan na marahil na simulan na natin ngayon na, ora mismo na mahalin at irespeto ang ating sariling wika na Tagalog, Ilocano o Waray o iba pang native tongue natin.
Tama naman po na mag-aral tayo at maging expert sa English at iba pang wika tulad ng Mandarin, Nihongo, pero ‘wag naman nating ikahiya ang pagsasalita ng Tagalog (o Bisaya at iba pang wika), lalo at ang kausap naman natin e kapwa Filipino!
Kailangan na mas expert tayo sa Tagalog o Filipino kaysa sa English o Mandarin, at ito ang gamitin natin sa mga miting, at mga convention at usap-usapan para tayo ay magkaintindihang mabuti.
Sa wikang dayo tayo nag-uusap, kaya hayan, hindi tayo magkaintindihan.
Panahon na sa wikang Pilipino (Tagalog o Engalog o Taglish) at iba pang wikang sarili ang gamitin sa mga petisyon, komunikasyon sa mga husgado.
Panahon na, na ang mga pantas, edukado, mga experto sa wikang sarili na pagtiyagaang isalin ang mga batas na nakasulat sa English.
Opo, mahirap na trabaho ito, pero kailangan na umpisahan na natin, ngayo na!
Umpisahan na ito ng Komisyon ng Wikang Filipino na ang mandato ay payamanin, palaganapin ang pagsasalita at paggamit ng wikang sarili natin.
Gawin na itong isang Kagawaran, lagakan ng malaking pondo at magtayo ng isang lupon ng mga expertong tagasalin, at simulan na ang pagsasa-Filipino at sa ibang wika ang mga batas, tuntunin, at ibang komunikasyon upang laganap sa buong bansa.
Paano tayo magkakaisa kung iba-ibang wika tayo mag-uusap at hindi tayo magkakaintindihan.
Paano tayo aasenso kung sa wika lamang, hindi tayo makausad, hindi tayo makalikha ng wikang matatawag na atin talaga.
E ano kung ang mabuong wika natin ay mestiso na halong English, Tagalog, Bisaya at iba pang wika, basta ang importante, magkaroon tayo ng wikang maiintindihan ng lahat ng Pilipino sa higit o kulang na 7,641 isla ng Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.