Advertisers
DAHIL sa panawagan ng mamamayan na NO TO SAND MINING ikinasa ng provincial government ng Oriental Mindoro ang public community consultation noong June 11, 2025 (Miyerkules) sa Sitio Aplaya, Barangay Balete, Gloria, Oriental Mindoro. Sinabi ni Governor Humerlito “Bonz’ Dolor at ng mga kinatawan ng Environmental Management Bureau (EMB) at Mines and Geosciences Bureau (MGB), na ang “River Dredging” ay hindi “Mining”.
Idinagdag pa ng mga kinatawan ng MGB at EMB, na ang Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, Series of 2019 ang nakakasakop sa dredging na ito at hindi ang Mining Act of 1995.
Mali ito!
Katunayan ang Philippine Mining Act of 1995 (Republic Act No. 7942) ang namamahala sa lahat ng operasyon ng pagmimina sa bansa, kabilang ang black sand. Ang batas na ito, ay kilala bilang Mining Act, ito ang namamahala sa pagsaliksik, pagpapaunlad, paggamit, at pag-iingat ng mga yamang mineral ng Pilipinas.
Ipinagpipilitan kasi ng Gobernador na ang Dredging ay hindi Mining pero pinagbabayad nila ng “quarry tax” ang kumpanyang Southern Concrete Industries Inc. – Gusto kulang ipaalala kay Dolor na ang quarrying ay isang uri ng pagmimina.
Sa totoo lang sa naging public consultation maraming residente at grupong makakalikasan ang nagalit at tumututol sa malawakang “River Restoration Through Large-Scale Dredging” tulad ng Koalisyon Sagip Mindoro (Coalition to Save Mindoro) at Gloria Municipal Fisherfolks Federation na nagpahayag ng kanilang matinding pagtutol dahil lumalawak na ang epekto nito sa ibat-ibang barangay sa bayan ng Gloria dulot ng ingay vibration ng paghuhukay at paghahakot ng tone-toneladang na inilalabas sa kanilang lugar.
Ayon nga sa kanilang position paper na nakasulat sa Filipino. Ang gusto nila ay isang kongkretong plano para sa pangangalaga ng kapaligiran kung saan ang mga tao ay bahagi ng proseso ng paggawa ng desisyon sa lahat ng mga proyektong nakakaapekto sa kapaligiran.
Iginiit nila na ang dredging ay nakakasira sa mga baybayin. Ang aktwal umanong ginagawa ay hinuhukay ang ilalim ng dagat at kinukuha buhangin at mga mineral na nagresulta sa pagkasira ng kanilang bakawan o mangrove forest, marine ecosystems, kaya wala ng nahuhuling isda sa lugar.
Sa kabila nito, hiniling nila ang pakikiisa ng mamamayan kasabay ang panawagan na wag manahimik ipaglaban ang karapatan kabuhayan at kaligtasan sa epekto ng “Sea Sand Mining” dahil nasasangkot umano ang “dredging” sa iligal na extraction ng black sand o magnetite, isang ore ng iron na ginagamit sa produksiyon ng bakal, cosmetic at iba pa.
Napag-alaman din nila na CHINA HARBOUR ENGINEERING COMPANY ang operator at naghahakot ng buhangin mula sa baybaying dagat ng Gloria na inilalabas sa probinsya at ito ay binibili ng SAN MIGUEL AEROCITY INC., ng P83 pesos per cubic na di hamak na mas malaki umano ang diperensya sa market na P700.
Ang punto nila bakit kailangang ibenta ang lupa o buhangin para gamiting panambak sa NEW MANILA INTERNATIONAL AIRPORT PROJECT sa Bulakan, Bulacan.
Sabi nila pwedeng hukayin at laliman ang kanilang mga ilog gamit ang sariling equipment ng municipal at provincial government maging ang DPWH kung totoong development project itong “River Restoration Through Large-Scale Dredging” sa Oriental Mindoro. Saka bakit sa dagat at hindi umano sa ilog?
Base sa dokumento ng proyekto, napag-alaman na aabot sa 38.47 million cubic meters ng buhangin ang huhukayin kung saan 0.750 million lang o 1.95% ang actual na magmumula sa ilog ng Balete at ang natitirang 37.72 million cubic meters o 98.05% ay manggagaling umano sa dagat na tinatawag nilang “navigational waterway”.
Sinabi ng mga residente, na ang nagaganap na “River Restoration Through Large-Scale Dredging” ay malakihang pagmimina na wawasak sa baybaying dagat ng Gloria dahil sa “Sea Sand Mining” na lubhang mapanganib sapagkat kung mauubos umano ang buhangin sa gitna ng karagatan ay wala ng pipigil sa mga malalakas na hampas ng alon dahilan para lamunin ng dagat ang mga dalampasigan, mga punong kahoy at kabahayan na nangyari noong nakaraang taon sa Zambales at Cagayan dulot ng Dredging at pangungunsinti ng ilang tiwaling pulitiko.
Saganang akin, wag kayong maniwala kay Gov. Dolor binobola lang kayo na ang inaprubahan “Notice to Proceed” na “River Restoration Through Large-Scale Dredging” ang tatapos sa problema sa baha, at ang tumututol dito ay tutol sa pag-unlad ng lalawigan.
Para sa kaalaman ninyo, ayon sa ulat na inilabas ng DENR-Mines and Geoscience Bureau MIMAROPA noong Pebrero 2020, sinabi ng ahensya na hindi sapat ang “River Dredging” para solusyunan ang problema sa baha sa Oriental Mindoro.
Sinabi ng ahensiya na kailangan na katuwang ang Engineering Intervention at kailangan dumaan ang mga proyekto sa Environmental Impact Assessment (EIA) dahil bukod sa nabanggit na DENR-MGB, mahalaga rin na magkaroon ng malawakang programa para sa proteksyon at rehabilitasyon ng mga kanlungan-tubig (watershed areas) kung nais umanong itama ang pangmatagalang solusyon. Period!
Samantala nanawagan din ang mga residente kina Oriental Mindoro 1st District Congressman Arnan Panaligan at 2nd District Congressman Alfonso Umali Jr. na makialam at busisiin sa Kongreso ang legalidad nitong “River Dredging” at “Sea Sand Mining”.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com