Advertisers
“Medalya ng Kagalingan”. Iyan ang parangalan na tinanggap nitong Hunyo 23, 2025 ni Quezon City Police District (QCPD) Batasan Hills Police Station 6 chief, PLt. Col. Romil Avenido bunga ng pagkakumpiska ng P13.6 million halaga ng shabu sa matagumpay na anti-illegal drug operation ng pulisya.
Siyempre, hindi magtatagumpay ang giyera ni Col. Avenido laban sa droga sa AOR ng PS 6 kung hindi rin sa kanyang magagaling at masisipag na mga pulis. Kaya ang tagumpay at parangal na tinanggap ng opisyal ay kanya ding inialay sa buong puwersa ng istasyon.
Kabilang sa pinarangal na nasa likod ng P13.6 M drug bust operation ay sina PCpt. Glenn F Gonzales “team leader” o nanguna sa operasyon at sina PSSg Dante I Frago at PSSg Luisito F Sene Jr. na kapwa aktuwal na dumakma sa bigtime drug dealer na mulang Antipolo, Rizal.
Ang parangal na iginawad nitong Lunes, sa traditional flag ceremony ng QCPD sa Kampo Karingal, Quezon City. Mismong si QCPD Acting District Director, PCol. Randy Glenn Silvio ang nanguna sa pagpaparangal.
Mayo 25, 2025, bandang 9:35 ng gabi nang madakip ang suspek sa Batasan – San Mateo Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nasamsam mula sa suspek ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon, at ang buy-bust money, matapos makabili ang isang undercover operative ng shabu na nagkakahalaga ng P800,000.00.
Nanawagan naman si Col. Silvio o ang QCPD sa publiko na makipagtulungan at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang tuluyang masugpo ang problema sa droga at kriminalidad sa komunidad.
Tumawag lang sa 911 at nandiyan agad ang pulis sa loob ng 3-minuto tulad ng ipinangako ni PNP Chief. Gen. Nicolas Torre III, pahayag pa ni Col. Silvio.
Para sa kaalaman ng QCitizens, hindi na nakapagtataka ang matagumpay na anti-illegal drug operation ni Lt. Col. Avenido sampu ng kanyang mga tauhan dahil nitong nagdaang taon, Nobyembre – sa QCPD Founding Anniversary celebration, ang PS 6 ang pinarangalan “Best Police Station” habang si Lt. Col. Avenido ang “Best Police Station Commander”, ito ay dahil sa mga matagumpay na anti-illegal drug at anti-criminality operation ng pulisya, Katunayan din, ang PS 6 ang nangunguna sa pinakamaraming nasamsam na droga bunga ng may pinakamarami ding anti-illegal drug operation nitong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.
Kaya, hindi na nakapagtataka kung si Lt Col. Avenido at ang kanyang istasyon ang muling kilalanin Best Police Station at Best Station Commander sa Nobyembre 2025, QCPD Founding Anniversary.
Congratulations Lt. Col Romil Avenido, at sa lahat ng bumubuo ng QCPD PS 6.