Advertisers
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos, Jr. ang mas malalim na imbestigasyon sa pagkawala ng “100 sabungero” ilang taon na ang nakakaraan matapos ibunyag na sangkot ang mga pulis, artista at bilyonaryong negosyante sa krimen.
Ito ang inanunsyo ni Palace Press Officer, Undersecretary Atty. Claire Castro, nang hiningi ang direktiba ng Pangulo sa usapin.
”Ipagpatuloy po ang pag-iimbestiga, ang malalim na pag-iimbestiga para malaman kung sino ba talaga ang sangkot dito at mapanagot ang dapat mapanagot,” diin ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sinabi ni Castro na naniniwala ang Malacañang sa integridad ng mga korte ng Pilipinas sa gitna ng mga ulat na ang utak sa mga pagkawala ng sabungero ay napaka-makapangyarihan at maimpluwensya.
”Naniniwala po tayo sa integridad ng ating Korte at ito’y masosolusyunan na ayon sa batas at ayon sa rule of law,” giit ni Castro.
Nauna rito, sinabi ni National Police Commission (Napolcom) vice chairperson at executive officer Atty. Rafael Calinisan na sinimulan na ng komisyon ang sarili nitong pagsisiyasat sa kaso sa gitna ng mga sinasabing may ilang pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police sa imbestigasyon ng Napolcom.
Sinabi ni PNP Chief, General Nicolas Torre III, na makikipagtulungan ang Internal Affairs Service sa Napolcom para sa posibleng pagdidisiplina sa mga sangkot na pulis.
Ito ay matapos sabihin ng lumantad na testigo na si alyas “Totoy”, isa sa mga akusado at umano’y dating security guard sa Manila Arena, isang kilalang cockpit sa Sta. Ana, Manila na pag-aari ng bilyonaryong negosyanteng sugarol na si Atong Ang, na 20 pulis ang sangkot sa kasong kidnapping sa naturang mga sabungero.
Sinabi ni Totoy na pinangalanan niya ang mga sangkot sa kanyang affidavit.
Ang krimen ay nangyari taon 2021, kasagsagan ng online sabong na pinatatakbo ni Atong Ang. (Vanz Fernandez)