Advertisers
MATINDI ang panawagan na inilabas ng civic watchdog group na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) laban sa kasalukuyang Regional Police Director 4-A, Brigadier General Jack Wanky, kaugnay ng malawakang operasyon ng illegal vices at ng armadong grupong tinatawag ngayong “gambling militia” sa buong rehiyon ng CALABARZON.
Ayon sa MKKB, talamak ang operasyon ng ilegal na bisyo lalo na ang gambling, na kalimitan ay front ng drug trade, na pinalala pa ng presensya ng gambling militia at mga police tong kolektor o mga “kapustahan” na nakabase sa Batangas at kumikilos hanggang sa Cavite, Laguna, Rizal at Quezon.
Tinukoy ng MKKB ang mga “kapustahan” na sina alyas Jun Milan at alyas Sgt. Sandoval sa Batangas; alyas Kevin ng CIDG RFIU; Ady sa Laguna; Hero at Ka Minong sa Cavite; alyas Sgt. Anot, Jammie at alyas Sgt. Panganiban sa Quezon; at Sgt. Marcial at Jack sa Rizal.
Ang tanong ng mga mamamayan: “Bakit parang inutil si Gen. Wanky, natatakot ba siya, may pinoprotektahan ba siya, o talagang wala siyang pakialam?”, anang naturang grupo sa isang pahayag.
Sinabi din ng MKKB na hindi na ito simpleng usapan lamang ng illegal na STL, saklaan, pergalan (peryahan na pulos sugalan) at mga pwesto pijo o permanenteng sugal-lupa na nagkalat malapit sa mga malalaking establisyemento, mall, bilyaran at iba pang recreation areas sa CALABARZON.
Ang tinatawag na gambling militia naman ay isang organisadong grupo na may istrukturang police at militar, ginagamit na kontrolin lahat ang operasyon ng lahat na klase ng illegal gambling mula sa STL bookies, saklaan, pergalan hanggang tupadahan (ilegal na sabungan) at iba pa.
Ayon sa grupo, may ebidensya na nagpapakitang may koneksyon ang gambling militia sa ilang tiwaling opisyales ng pulisya, pamahalaang nasyonal at lokal. Ang mas nakakabahala pa umano ay ang ulat na ang mga miyembro ng grupo ay nagsusuot ng unipormeng kahalintulad ng PNP at armado ng baril na mistulang opisyal ng pulisya.
“Hindi ito ordinaryong sugalan, may private army na may armas, may uniporme at higit sa lahat ay may malalim na koneksyon sa pulitiko, hindi ba’t malinaw itong paglabag sa batas? Bakit hindi kumikilos si Gen Wanky?,” dagdag ng MKKB.
Pinangalanan din ng MKKB ang umano’y mga pulitikong hayag ding gambling at drug personalities na sina alyas Marasigan, alyas Gardiola na sinusuportahan ng kilalang pulitiko na si alyas Puti, bilang pangunahing nagpopondo sa militia.
Layunin ng mga ito na monopoliyahin ang “gambling landscape” sa Region 4-A CALABARZON, sa pamamagitan ng dahas, tuluyang napasakamay nila ang operasyon ng mga ilegal na pasugalan kabilang na ang STL bookies, lotteng, EZ 2, pick 3 gamit na front ang lehitimong prangkisa na isyu ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at gawing lokal na tagapamahala na lamang ang mga datihan ng maintainers ng naturang labag sa batas na gambling operation.
Ayon sa MKKB, sa pamamagitan ng dahas at pananakot, ginagamit ng gambling militia ang taktikang “raid-style operations” sa mga pasugalan. Kunwari’y aarestuhin ang mga sangkot sa illegal gambling, kukunin ang kita o kubransa, ngunit matapos ang aregluhan ay pinapayagan na ulit ang operasyon, kapalit ng pagre-remit ng kubransa sa pasugalan nina alyas Marasigan at Gardiola.
Bilang dagdag na insentibo, ang mga nakukulimbat na kubransa mula sa mga na-raid na pasugalan ay pinagpapartehan ng militia at hinihingian din ng mga ito ng lingguhang “tara” o tong ang mga nakokontrol na gambling operator sa basbas din nina alyas Marasigan at Gardiola.
Mula Agosto 2024 hanggang Mayo 2025 pa lamang ay nakapagsagawa na ang gambling militia ng halos hindi mabilang sa dami ng mga pagsalakay sa gambling lairs sa mga siyudad ng Lipa, Tanauan, Sto. Tomas, Calaca at Batangas City; mga bayan ng Lemery, San Luis, Calatagan, Bauan, Nasugbu, San Pascual, Mabini, Padre Garcia, Malvar, Laurel, Balete, Lobo, Cuenca, Ibaan at marami pang iba.
PAGKAKAMALI SA PAGPAPALIT NG LIDERATO SA REHIYON
“Malaking pagkakamali” ni PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III, ang pagtatalaga kay BGen. Wanky bilang top cop ng Region 4-A.
Ayon sa MKKB, pinili ni Torre si Wanky na dating direktor ng PNP Region 6 , na pamunuan ang R4-A bagama’t hindi naging maganda ang naipakita nitong performance sa Western Visayas Region.
Matatandaang dalawang malalaking kaso ang “pumutok” sa Region 6 na ‘di ganap na nasolusyunan ni Wanky. Ang mga ito ay ang kaso ng pagpaslang at panggagahasa sa Slovakian tourist na si Michaela Mickova sa Boracay Island at ang murder case kay veteran-journalist Juan “Johnny” Dayang na parehong naganap sa probinsya ng Aklan.
Tulad ng ‘di pag-aresto sa may 50-katao na miyembro ng gambling militia at mga sangkot sa bookies/jueteng, sakla, pergalan operation, iba pang uri ng vices, tong o intelhencia kolektor, hindi rin naipadakip at naipakulong ni Wanky ang mga principal suspect sa dalawang naturang celebrated cases, diin ng MKKB. (CRIS A. IBON)