Advertisers
INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa Maynila dahil sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng lisensya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Kinilala ng NBI ang suspek na si Eddie Bayotas Pleje na nahuli ng mga operatiba ng NBI Cavite North District Office (NBI-CAVIDO) sa isinagawang entrapment operation noong Hulyo 8.
Ayon kay NBI-CAVIDO North Chief Czar Eric M. Nuqui, inaresto si Pleje sa aktong nagsumite ng pekeng CAAP license para sa aircraft mechanic at pilot. Sinabi ni Nuqui na isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng letter request mula sa CAAP na may kinalaman sa mga laganap na transaksyong ito online at social media na may kinalaman sa pagbebenta ng mga pekeng lisensya at iba pang certifications na inisyu umano ng CAAP.
Ang mga lisensya at iba pang sertipiko ay ibinebenta umano sa halagang P 15,000.
Idinagdag pa ni Nuqui na ginamit ng mga ahente ng NBI-CAVIDO ang mga undercover agents para makipagtransaksyon sa suspek. Si Pleje ay kinasuhan ng falsification ng mga pribadong indibidwal at paggamit ng mga pekeng dokumento sa ilalim ng Revised Penal Code (PRC) kaugnay ng Republic Act No. 10175, ang Cybercrime Prevention Act of 2012, at Article 315 paragraph 2(a) ng RPC.
Ang pagsasamantala sa mga pekeng lisensya ng CAAP ay nagdudulot ng potensyal na aksidente sa aviation na nakapipinsala sa pambansang interes dahil sa mataas na panganib na kinasasangkutan ng aviation industry. (JOJO SADIWA)