Advertisers
HINDI sisiputin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 28.
Ayon kay Dela Rosa, ayaw niyang makipagplastikan sa ilang opisyal mula sa Malacañang at House of Representatives.
Nilinaw din ni Dela Rosa na ang pag-isnab nito sa SONA ng Pangulong Marcos ngayong taon ay personal niyang desisyon, at maaaring magdesisyon ang ibang mga senador sa tinatawag na Duterte bloc sa kanilang mga sarili.
Kabilang sa “Duter7” senators sina Dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, Rodante Marcoleta, Mark Villar, Camille Villar, at Imee Marcos.
Nang tanungin kung ano ang kanyang inaasahan sa SONA ni PBBM, sinabi ni Dela Rosa na may posibilidad na banggitin ng Pangulo ang diumano’y warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa war on drugs.
Ang tinutukoy ni Dela Rosa ay ang naunang pahayag ni Bersamin na maaaring arestuhin si Dela Rosa kapag naglabas na ng warrant of arrest ang ICC. Samantala, sinabi ng Malacañang na wala pa silang natatanggap na komunikasyon hinggil dito.
Ayon pa kay Dela Rosa, wala rin siyang inaasahan sa administrasyong Marcos. (Mylene Alfonso)