Advertisers
SINIGURO ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagtutok ng kaniyang administrasyon sa “agrikultura at food security.”
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga hakbang ang pagpapalakas ng laban sa smuggling para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at ang ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa binanggit ng Pangulo sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang kahalagahan na gawing prayoridad ang produksyon ng local palay, pamamahagi ng seedlings at fertilizers. pagsasanay sa mga magsasaka, at ang gawing moderno ang kanilang agricultural practices.
Ang mga programang ito ay bahagi ng aklat na “Leave Nobody Hungry,” na isinulat ng nehosyante at philanthropist na si Virginia Rodriguez na nagsusulong ng contemporary farming practices at paggamit ng organic na pataba.
Inihayag din ng Pangulo ang suporta sa pagpapalawig ng Kadiwa centers para ang abot kayang halaga ng agricultural products ay maging available at mailapit sa publko.
Kasama rin sa nais matutukan ng Pangulo ang tulong sa mga mangingisda at ang pagpapatupad ng epektibong istratehiya laban sa smuggling ng agricultural at fishery products.
Matagal nang isinusulong ni Rodriguez ang pagtulong sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng advanced farming implements.
Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng mas mataas na ani na nagreresulta naman sa mas mababang presyo ng produktong agrikultura kabilang ang gulay.
Samantala, nais din ni Pangulong Marcos na maisakatuparan ang nationwide rollout ng P20 per kilogram na bigas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng daan-daang KADIWA stores at centers sa mga LGUs.
Ilan din sa sentro ng SONA ng Pangulo ang mapababa ang presyo ng kuryente, pagkilala sa public-private partnerships na nakatutulong sa malalaking proyekto ng gobyerno, pagpapalawig ng benepisyo ng PhilHealth, pagpapalakas sa proteksyon ng mga overseas Filipino workers at seafarers, maibsan ang kahirapan, pagtutok sa peace and order, at ang non-violent approach sa war on drugs.
Binatikos din ng Pangulo sa kaniyang SONA ang mga palpak at ang iba ay hindi talaga nag-e-exist na na flood-control projects.