Advertisers

Advertisers

Tiwala sa Korte Suprema gusto gibain ng mga dating mahistrado?

0 4,238

Advertisers

ANG Korte Suprema ang may “final say” pagdating sa Saligang Batas.

Ito ang institusyong inaasahan ng taumbayan kapag nagiging abusado sa kapangyarihan ang ilan sa gobyerno.

Kapag nabigo ang mga institusyon sa ilalim ng Executive at Legislative, ang Judiciary ang inaasahang magbibigay ng proteksyon. At ang pinakasentro nito’y ang Korte Suprema. Mismo!

Kaya hindi biro ang epekto ng mga pahayag ng mga dating mahistrado ng Korte Suprema na sina Antonio Carpio at Adolfo Azcuna. Sa halip na palakasin ang institusyong minsang kanilang kinabilangan, binubunot nila ngayon ang pundasyon nito.

Ang kanilang matinding batikos sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lang simpleng opinyon. Sa halip, pinapahina nito ang kumpiyansa ng publiko sa desisyon ng hukuman.

May pagkakaiba ang hindi pagsang-ayon sa pagsira sa institusyon. Puwedeng pumuna, pero kapag ang batikos ay nagiging paninira na sa kredibilidad ng Korte Suprema, nagiging delikado ito.

Oo! Ang tiwala ng taumbayan sa sistema ng hustisya ay unti-unting kinakalawang. Mabuti nalang at may mga grupo tulad ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na naninindigan parin sa batas. Malinaw ang kanilang pahayag: ang desisyon ng Korte ay hindi pagpapakita ng kapangyarihan, kundi pagtalima lang sa Konstitusyon.

Hindi kailangan ng Korte Suprema ng pwersa o impluwensiya para igiit ang desisyon nito.

Ang lakas ng kataas-taasang hukuman ay nakasalalay sa respeto ng mga mamamayan. Kapag winasak ng ilan ang respetong iyon, sinisira nila ang mismong batas na dapat nagpuprotekta sa lahat.

At kapag nawasak ang batas, wala na tayong matatakbuhan pa. Tandaan!