Advertisers

Advertisers

GANAP ANG RESPETO

0 3,881

Advertisers

Maraming nabanggit si Jun Singhot na kabulastugan sa pamahalaan higit ang ‘di tamang paggamit, pagtustos at mga nawalang pondo sa gobyerno. Ang nasilip ni Mang Juan o maging ng ilang mambabatas na mga anomalya’y patama sa iilan o sa mga opisyal na sala ang paggampan sa tungkuling inaatang, sa nakaraan at sa kasalukuyan at inuna ang SOP sa halip na gampanan ng sukdulan ang tungkulin ng may katapatan. Ang katapatan ay ‘di ayon sa sinumpaang tungkulin na inatang sa halip sa nagtalaga na umaasa na muling daan sa susunod na pagtatalaga na magsisiguro sa kinabukasang masagana para sa sarili’t sa pamilya. Walang banggitan ng utang na loob ngunit sa singilang may halaga na pakinabang na pansarili at bahala na si Batman. Hindi nag-iisip sa kalalabasan ng mga gawain o proyekto ngunit ang para kay “edi” tinitiyak na sasalag sa mga usapin sa hinaharap, maging problema o pagkakakitaan.

Nagpapasalamat dahil batid ni Jun Singhot ang SOP sa pamahalaan at nasisilayan ang liwanag sa paglalahad sa ulat sa bayan na magkakaroon ng pag-iimbistiga o usisa na mababatid kung sino – sino ang nakinabang higit ang mga halal ng bayan na nagpasasa sa salapi ng bayan. At umaasa na tatagos ang galawan sa paghahain ng reklamo laban sa mga mababatid na tiwali na mag papasipa sa tungkulin at pagbabawal na muling maitalaga sa pamahalaan. Sa dami ng usapin hingil sa katiwalian na tila napapanahon na magtalaga o magbuo ng isang “task force” na tututok sa usapin ng katiwalian na kinalolooban ng mga halal ng bayan. At pabilisin ang paglilitis at maganap ang paghatol. Mabigat ang laban ngunit dapat maganap ang paglilinis na walang dapat sinuhin maging malapit o kaibigan ng taga Malacanan. Ang matiyak na mapapanagot ang may sala ang magandang regalong handog sa naghihirap na mamamayan.

Sa totoo lang, hindi mahirap ang maging marangal higit sa mga karaniwang kawani ng pamahalaan na tunay na tumatalima sa mga kautusan sa pagpasok sa serbisyo sibil. Walang dahilan ang karaniwang kawani na lumiko sa mga patakaran higit kung walang pang-iipit nagaganap mula sa mga opisyal. Ang pagsunod ang tungkulin o ang pagliko sa utos ang karaniwang dahilan na mailipat sa tawag na “floating status” ang sino mang higit may pagpisil na nagaganap sa antas ng mga tagapagpaganap. Sa totoo pa rin, maging ang mga puno ng mga ahensyang ‘di kalakihan ay walang magawa at kailangang sumunod sa ibig ng mga nakakataas na tuwirang pumipisil upang maipatupad ang ibig na programa o proyekto sa ibig na panahon at ang SOP. At karaniwang nakikita ang anomalya sa mga proyekto na may pinagagawa o pinatatayo ng pamahalaan, at ito ang batid ng pangulo. Ang masakit, ang karaniwang kawani ang bumibitbit sa salang dapat sa opisyal na nagbubulsa sa pera ng bayan, di ba seksi.

Maraming panahon na ang lumipas at kabatiran ang katiwalian sa pamahalaan ngunit at bakit umabot sa sukdulan na kailangang bangitin sa isang ulat sa bayan. Sadya bang malala o talamak ang usaping banggit at kailangan ng iusal sa bayan. O’ sadyang ipinaabot sa bayan na maging bahagi sa solusyon at ‘ilahad ang nasisilip na katiwalian sa pamahalaan. O’ ipina-aabot sa bayan na may mga ngalan na madadawit na may kakayanang magpatawag ng mga pagtitipon upang labanan o makontra ang usaping nasa kanilang harapan. Ang pagbanggit ni Jun Singhot ang paraan upang ipabatid na may magaganap na paglilinis sa pamahalaan at kailagan ng pang-unawa ng bayan na maaring gamitin sa pagbalikwas sa katotohanan. Masalapi’t maimpluwensa ang maaring tamaan sa paglilinis na gagawin ng pamahalaan at ipinaalam o inilalapit sa bayan na maging mapagmatyag sa kilos sa kinabukasan at baka magamit ng iilan para sa sarilang layon.

Ramdam ng Batingaw ang ibig maganap ni Jun Singhot ngunit nagdadalawang isip na baka ibalik ang usapin sa nakaraan ng pamilya. Ang pag-aagam – agam na galaw ang maaring gamitin ng mga may sala sa basehang pagdadalawang isip sa ibig na paglilinis dahil sa nakaraan. Sa totoo lang, pasanin ang nakaraan ngunit ang hakbang na paglilinis sa kasalukuyan ang magbabago sa pananaw sa nakaraan at ang pagkakamali’y maaaring ituwid sa kasalukuyan. Ang paglilinis sa pamahalaan ang matagal ng ibig maganap ni Mang Juan upang magisnan ng salinlahi ang maayos na bansa.

Ang pagkilala sa kakayanan ng mamamayan na ‘di lang sa panahon ng halalan ang ganda sa kasalukuyang pamahalaan ngunit ang ‘di ibig ng iilan. Ang kusang pagpapabatid ng ibig na pagbabago’y matagal ng ipinaabot sa larawan ng kawalan ng maayos na tirahan, mababang sahod, kawalaan ng tamang programang pangkalusugan, mga naglalahong sakahan na pinalitan ng mga subdivision na nagtaboy sa mga magsasaka at maging mahal ang mabuhay dahil sa mahal ng gamot na kailangan. Ang larawang banggit na ‘di inuusal sa salita ngunit silip sa larawan ang hinaing na matagal ipinaabot ng mamamayan. Salamat Jun Singhot, na namulat sa mga katiwalian na matagal ng binabaka ng bayan. Ang mga pamosong ayudang pansamantala na likha ng politiko ang salamin na tumakip sa mata ng mamamayan dahil sa pansamantalang kaluwagan sa naranasan.

Walang ibang ibig iparating kay Jun Singhot, ang tuparin ang paglilinis laban sa katiwalian nang ganap na bumaba sa bayan ang serbisyo ng pamahalaan. Ang mapanagot ang mga mapapatunayang may sala ang ibig na makita sa pagbaba sa panunungkulan. At ang pinakamagandang handog o alay sa mamamayan. Ang makitang may mapanagot sa hanay ng mga opisyal ng bayan, halal o naitalaga ang larawan ng bagong kabanata sa kasaysayan ng bansa na ikaw Jun Singhot ang may akda. Sa akdang magagawa, nasisilip ni Mang Juan na ikaw Jun Singhot ang unang lider ng bansa na ganap ang respeto sa mamamayan.

Maraming Salamat po!!!!