Advertisers
MULING “binabaha” ang Padre Faura sa Maynila nitong mga nakaraang araw. Hindi dahil sa mga palpak na ‘flood control projects’ o mga sira-sirang ‘pumping stations’ o dahil sa muling malakas na buhos ng ulan.
Ang “bumabaha” sa Padre Faura ay mga grupong ‘anti-Duterte’ at mga bayarang ralista na hindi pa rin maka-move-on sa ginawang pagbasura ng Korte Suprema sa ‘impeachment’ laban kay VP Sara Duterte.
Kasama siyempre sa eksena ang ilang grupo ng midya na ayaw nating isipin na “kargado” rin kaya pulos “ngawngaw” ng mga galit sa desisyon ang linya ng kanilang mga balita.
Ganito palagi ang ating problema mga kabayan, hindi ba? ‘Yung nakapakadaling “utuin” at bayaran ang mga Pinoy para magrali at magprotesta sa mga isyung sa totoo lang, karamihan sa atin ay wala o kulang ang kaalaman.
“Nasanay” na tayong “magpagamit” dahil sa pera, paniniwala sa propaganda at emosyon para isulong ang interes ng mga naghaharing uri, Imperyalismong US at mga kasabwat nilang mga komunista. Tingnan kasing mabuti ang hanay ng mga nagproprotesta, mga kabayan, Tama ba o mali ang ating sinasabi, aber?
Hmm. Masasagot ba ng protesta ngayon laban sa Korte Suprema ang problema natin sa talamak na sugal, kahirapan, kawalang trabaho, mataas na presyo ng bilihin, kriminalidad, kawalan ng hustisya, pagiging alipin natin sa Imperyalismong Kano, talamak at garapal na korapsyon at katiwalian sa gobyerrno?
O baka naman… “panakip-butas” ang protesta sa mga mas kagyat nating mga problema?
Sa ating kasaysayan, ilang beses na ba nating pinagdaanan ang ganito? Na basta hindi “nakuha” ng isang paksyon ng naghaharing uri at mga komunista ang kanilang “gusto” idadaan ang proseso sa ‘parliament of the street,’ sa ‘mob rule’ o sa “pambabaraso,” kasabwat ang mga galamay nila sa media.
Dahil sa mob rule, iligal na tinanggal si “Apo Makoy,” si Pang. Erap, si CJ Corona. At pagkatapos? Balik lang tayo sa dati hindi ba? Hindi umasenso, umabante ang ‘Pinas, korek?
Huwag na kasi tayong “magpauto,” period!