Advertisers
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga insidente at krimeng kinasasangkutan ng mga estudyante at guro, kabilang ang mga nangyayari sa loob o malapit sa mga paaralan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, layon ng direktiba na matiyak ang mahigpit na implementasyon ng child protection policy ng DepEd sa lahat ng paaralan sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na kasama sa gagawing aksyon ang mahigpit na pagmo-monitor ng sitwasyon sa mga eskwelahan upang agad matukoy at maresolba ang mga problemang may kinalaman sa seguridad at kapakanan ng mga kabataan.
Binigyang-diin pa ni Usec. Castro na mahalagang matutukan ang mental health ng mga kabataan, lalo na kung may menor de edad na nasasangkot sa mga naturang insidente.
Dagdag pa ng Palace official, hindi tutulugan o palalampasin ng pamahalaan ang mga ganitong pangyayari at agad na kikilos ang mga kinauukulang ahensya. (Gilbert Perdez)