Advertisers
DUMALO si dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga alegasyon ukol sa proseso ng 2025 General Appropriations Act (GAA) national budget.
Sinabi ni Romualdez na malugod niyang pinasasalamatan ang ICI upang mabigyan-linaw at mabatid ang buong katotohanan sa likod ng mga haka-haka ng publiko na siya ay mayroong kinalaman sa nasabing alegasyon.
Binigyan diin ng mambabatas na hindi siya naging bahagi ng bicameral conference committee kungsaan dito isinapinal ang 2025 national budget.
“While I was not part of the bicameral conference committee, whatever I know, I will share,” pahayag ni Romualdez. “My purpose is to clarify the issues and share whatever information I can that may help the Commission in its work,” saad ng dating Speaker.
Binigyan diin din ng mambabatas na handa siya makipagtulungan sa ICI at ibahagi dito ang lahat ng kanyang nalalaman upang maliwanagan ang mga bagay na iniimbestigahan.
“I am here to cooperate fully and help uncover the truth. Wala akong itinatago at walang dapat itago,” dagdag ni Romualdez.
Ang kanyang pagdalo, aniya, ay bunga ng buo niyang paniniwala sa konsepto ng transparency at accountability kungsaan intensyon niyang tumulong sa komisyon upang masiguro na lumutang ang buong katotohanan. (Henry Padilla)