Advertisers
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin hanggang sa katapusan ng taon upang matiyak ang katatagan ng presyo ngayong holiday season.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ito ay alinsunod sa utos ng Pangulo bago siya lumipad patungong Kuala Lumpur para sa 47th ASEAN Summit.
Kasama sa direktiba ang mahigpit na pagbabantay sa suggested retail price (SRP) ng imported rice at iba pang prime commodities.
Iniulat din ni Castro na ipinag-utos ng Pangulo sa DTI ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer upang mapanatili ang kasalukuyang presyo at maiwasan ang hindi makatarungang pagtaas.
Tiniyak naman ni Trade Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque na nakikipagtulungan ang lahat ng sektor sa gobyerno upang mapanatiling matatag ang presyo sa merkado, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan. (Gilbert Perdez)