Advertisers
LITERAL na pinagtawanan ng mga “hacker” ang ibinida ni Usec. Renato “Aboy” Paraiso ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa ‘rollout’ ng ‘Oplan Cyber Dome’ ngayong buwan.
Layunin daw ng OCD na tiyakin ligtas ang ating ‘Cyberspace’ dahil sadyang malaking perwisyo na ngayon ang ‘cybercrime’.
Ilang beses naring natigil ang mga negosyo at serbisyo ng gobyerno dahil sa mga hacker na “libangan” ang “pagpapabagsak” ng mga websites kaya hindi magamit sa panahong kailangan.
Sa kabila ng mga pabida ni Usec. Aboy sa umano’y kahandaan ng gobyerno, wala naman siyang nagawa nang umatake ang grupong ‘HappyGoLuckyPH’ noong Noyembre 5 kungsaan higit 60 websites ng PNP ang kanilang isinara. Mismo!
Noong 2023, umabot sa 70 porsiyento ng websites ng mga kumpanya sa ‘Pinas ang pinasok ng hackers. Sa huling tatlong buwan ng 2025, tumaas ng higit 49 porsiyento ang naitalang ‘cyberattacks’ kumpara noong isang taon.
Para sa mga miron, “walang problema” kahit pa isang ‘political appointee’ ang inilagay ng Palasyo sa CICC katulad ni Paraiso na isang abogado at umano’y “malapit” kay First Lady at PCSO General Manager Mel Robles.
Pero kung ang tanging kuwalipikasyon ay pagiging “malapit” sa Unang Pamilya, may dahilan ang mga miron bakit sila “tamang hinala” kay Usec. Aboy na masigurong ligtas ang buong telecom sector.
***
Kamakailan, sinibak na si BIR Commissioner Romeo Lumagui at inalis na rin sina ES Lucas Bersamin, Budget Secretary Minah Pangandaman at PLLO Chief Adrian Bersamin. Hudyat na ito ng ‘reset’ ni BBM sa kanyang administrasyon.
Kung ganito nga, panahon narin sigurong “maglinis” d’yan sa CICC at maglagay ng opisyal na alam talaga ang ginagawa at mga dapat gawin para sa kaligtasan ng ating ‘cyberspace’, Mr. President!
Para na rin mabawasan ang pagkadismaya ng mga Pinoy sa administrasyon. Dagdag na pabigat kasi sa ating lahat ang problema ng cybercrime.
***
Sinira ni Senador Imee Marcos ang kanilang pamilya.
Mantakin mong ipagsigawan ni Imee sa publiko, sa anti-corruption rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Luneta nung Linggo na adik sa cocaine ang kanyang utol, Pangulong “Bongbong” Marcos, ang First Lady na si Liza at ang mga anak ng First Family.
Kung ano man ang away nilang magkapatid, totoo man o hindi, hindi dapat ipagsigawan sa rally ni Imee na adik ang kanyang kapatid, hipag at mga pamangkin. Hindi ganyan ang mga Filipino.
Nakakasuka ka, Imee!!!
***
Dalawang araw lang sa halip na tatlo ang ginawang anti-corruption rally ng INC sa Luneta.
Sapat na raw ang dalawang araw para maiparating nila sa gobierno ang hangad nilang ‘transparency’ at ‘accountability’ sa nangyayaring korapsyon sa pamahalaan.
Nangako naman ang gobierno na marami ang makukulong bago mag-pasko. Abangan!