Advertisers
HINDI ito pasabog kundi pautot lang, ayon sa ilang netizen. Ngunit masangsang ang amoy ng utot dahil ikinakalat na si Rodante Marcoleta umano ang tatakbong bise ni Sara Duterte sa halalang pampanguluhan sa 2028. Diyos mahabagin! Ito ang katagang nasambit namin.
Paano si Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, at Imee Marcos na gigil na gigil na tumakbo sa mas mataas na puwesto sa 2028? Nakikita namin ang matinding posisyunan ng mga nabanggit sa susunod na taon upang makatambal si Sara sa 2028.
Nakikita namin na magpapatutsadahan ang apat na senador upang maging katambal ni Sara. Backup si Marcoleta ng sektang Iglesia Ni Cristo (INC) na pinaniniwalaan ng may dalawa hanggang tatlong milyong solidong boto. Pero hindi lahat ng sinuportahan ng INC ay nananalo lalo na sa national elections. Marami sa kanila ang natalo sa nakalipas.
Palaging may negatibong epekto ang suporta ng INC sa isang kandidato. Hindi inihalal ng mas nakakaraming Catolico ang mga kandidato suportado ng INC. Hindi rin sila inihahalal ng mga kabilang sa denominasyong Christian at Protestante.
Ito ang dahilan kung bakit sa huling araw inihahayag ng pamunuan ng INC ang kanilang kandidato – upang hindi kontrahin ng ibang relihiyon ang kanilang lineup. Nandiyan kasi ang gantihan dahil makakaiba ang kanilang mga doktrina.
Maaaring paboran ni Sara si Marcoleta kesa kay Imee kahit palagi itong nakasimangot at hindi ngumingiti ang una. Noong nakaraang halalan, pumang-anim si Marcoleta at pang-labindalawa o kulelat sa mga nanalo si Imee. Malaki ang agwat.
Bukod diyan hindi malayong bitawan ng Solid North si Imee dahil sa kanyang batikos sa nakakabatang kapatid. Kahit hindi kumikibo ni BBM, hindi nangangahulugan na hindi batid ng mga Ilocano ang katampalasan ni Imee. Bukod diyan maraming Ilocano ang naniniwala na walang dugong Ilocano si Imee. Pero ibang usapan ito.
Sabit si Chiz sa bilyon-bilyong pisong flood control scandal. Itinuturo siya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo bilang isa sa mga senador na inayos niya noong nakaraang halalan. Abot sa P130 milyon ang tinanggap ni Chiz bilang bahagi niya sa kinurakot na halaga. Biglang tahimik si Chiz. Hindi na nagsalita.
Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na maaaring ilabas bago ang ika-15 ng Disyembre ang arrest warrant sa mga senador na kalahok sa iskandalo ng flood control. Kasama si Chiz dito. Gayunpaman, malambot ang puso ni Sara kay Chiz dahil ang huli ang pumigil sa paglilitis sa kanya ng Senado bilang impeachment court.
Kung hindi dahil sa pagtitiyaga ni Chiz, malamang na hinatulan siya ng Senado bilang impeachment court. Pinagbabayaran ni Chiz ang atraso niya sa sambayanang Filipino. Nanganganib na makulong siya bago ang Pasko. Hindi namin nakikita kung paano siya tutulungan ni Sara na magaling lang magbunganga. Walang poder si Sara para tumulong.
Inaasinta rin ni Cayetano ang pangalawang pangulo bagaman hindi namin nakikita na pipiliin siya ni Sara. Siya kasi ang bise presidente na amang si Rodrigo noong 2016. Natalo ng malayo ang kalamangan ni Leni Robredo sa kanya. Gulpi sarado si Cayetano noong 2016. Hindi nakaporma kay Leni. Fourth prize lang siya. Wala sa timbangan.
***
ANG tanong ay kung si Sara ang isasabak na kandidato ng kampo ni Duterte sa 2028. Ang tingin namin ay hindi siya makakatakbo sa 2028. May mga pahiwatig na uumpisahan ang nabalam ng impeachment trial ni Sara sa Senado.
Sa sandaling maipasa ng Kongreso ang panukalang national budget sa 2026, may isang senador ang maglalatag ng mosyon na ituloy ang naantalang impeachment trial. Hindi ito naibasura ng Senado. Nasa archive lang at madali itong buhayin kapag may magmosyon at sumegundo sa mosyon.
Nagpahiwatig si Sen. Kiko Pangilinan na bubuhayin ang nabalam na impeachment trial sa deliberasyon sa panukalang budget ng Hudikatura noong Miyerkoles. Sinabi ni Kiko na nagkamali ang Korte Suprema sa desisyon na ideklarang labag sa Saligang Batas ang impeachment trial ni Sara.
Ipinahiwatig si Kiko na dahil mali ang desisyon ng Korte Suprema, hindi kailangan hintayin ang desisyon ng Mataas na Hukuman sa mga motion for reconsideration (MRs) na inihain upang baligtarin ang naunang hatol.
Maaaring tumuloy ang Senado sa paglitis kay Sara dahil “mas mataas” na hukuman ang Senate impeachment court kesa sa Korte Suprema. Kaya nakikita namin na matutuloy sa Enero ang paglilitis kay Sara. Nakikita namin na mahahatulan si Sara ng “guilty” sa mga bintang sa kanya sa Articles og Impeachment.
Bilang parusa, hindi na makakatakbo sa anumang puwesto si Sara. Kahit barangay captain, hindi siya makakatakbo muli. Kaya poposisyon si Marcoleta, Imee, Chiz, at Cayetano upang basbasan ang alinman sa kanila bilang kandidato ng grupong Dabaw sa panguluhan.
bootsfra@gmail.com