Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA darating na December na magaganap ang kasal ni Kiray Celis sa kanyang fiancé na si Stephan Estopia.
Ayon kay Kiray, nang makausap namin kamakailan sa launching ng bagong produkto na pag-aari niyang beauty business na Kiray’s Brands – ang Hot Babe Green at Skin Vibe, hindi sila mag-iimbita ng marami dahil napagkasunduan nila ni Stephan na gawing private at intimate ang kanilang super special day.
Sey pa ng CEO ng sarili niyang kumpanya, gusto sana niyang isikreto na muna ang kanyang wedding next month, pero hindi nga siya nakatanggi sa pangungulit ng mga kaibigang press people.
“Parang (ang gusto ko), magulat na lang kayo kinasal na lang ako. Ayoko na magyabang. Parang hintayin niyo na lang kung ano yung kasaL,”sabi ni Kiray.
“Para kapag… tsaka ‘yung kasal namin, bahala kayo sa buhay niyo. At least, hindi ako nagyabang,”aniya pa
Sa tanong kung may prenup agreement ba sila ni Stephan, ang mabilis na sagot ng batang CEO, “Wala!”
Ayon pa sa aktres, totoong kumikita na siya ngayon sa Kiray’s Brands pero aniya, kumikita na rin daw si Stephan sa sarili nitong negosyo.
“Kasi, lagi ko ngang sinasabi, hindi ko nga kailangang ipagmalaki kung ano yung business ng dyowa ko. Kasi, sobrang private niya.
“Alam niyo, parang gusto ko na… sabi ko nga sa kanya, ‘Alam mo, parang gusto ko nang patulan minsan na may paupahan ka, may ganito ka, may ganu’n ka.’
“’Hayaan mo na.’ Hindi na raw kailangang i-explain, at saka hindi naman daw siya kilala. Wala siyang paki! Very private lang siya. Ayaw niya talagang lumabas,”
Super hands-on din si Kiray sa kanilang kasal at naloloka nga raw siya dahil palaki nang palaki ang gastos nila mula sa P500,000 kabuuang budget.
“Hindi ko ini-expect na sobrang gastos pala magpakasal. Tapos, maarte pa ako. Maarte kasi ako. Yung dyowa ko, sobrang bait talaga. At ayokong maging pabigat, ‘no?
“Sabi ko sa kanya, ‘Since may business ka, may business ako, babayaran ko yung gusto kong bayaran. Pero ibibigay ko sa iyo kung ano ang dapat mong bayaran, ganun kami. Hati kami.’
Kasama sa listahan ng mga ninong at ninang sa kasal nina Kiray at Estephan sina Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, Diamond Star Maricel Soriano, Megastar Sharon Cuneta, Comedy Queen Ai Ai delas Alas, Phenomenal Box-office Star Vice Ganda, Eugene Domingo, Gabby Concepcion, Boy Abunda, ang mag-asawang Melai Cantiveros at Jason Francisco,Sen. Bong Go, former Gov. Chavit Singson, Mayor Isko Moreno at marami pang iba.