Advertisers
HINDI kami mapamahiin pero noong nakita namin ang bahaghari sa gawi ng EDSA pagkatapos ng maikling panahon ng ulan, nag-iba ang aming pakiramdam. May nararamdaman kaming pag-asa na tila ba narinig ng Diyos ang hinaing ng sambayanan sa Trillion Peso March na ginawa ng mga elementong malapit sa Simbahang Catolica.
Sabi ng aming kaibigan Lito Gagni, isang mamamahayag, sa kanyang post sa Meta: “Rainbow sa EDSA at 4:37.” Ito ang malinaw na palatandaan na nakinig ang Diyos sa ipinaglaban sa Trillion March kung saan mahigit 10,000 katao ang dumalo sa kilos protesta laban sa korapsyon at kabagalan ng gobyerno sa pagkilos laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa malakihang nakawan sa flood control program.
Nasa 20,000 pulis ang itinalaga ng pamunuan ng PNP sa kilos protesta at mukhang “overkill” ito bagaman may mga pangamba na guguluhin ng puwersang pabor maka-Gongdi at pamilyang mandarambong mula sa Davao City. Hindi nakaporma ang Grupong Dabaw sa anumang tangka na nanggulo dahil batid nila na makukuyog sila kung gagawa sila ng gulo.
May hiwalay na pagkilos ang grupong maka-Kaliwa at itong ang tinawag nilang “Baha sa Luneta. Panawagan nila ang sabay-sabay na pagbibitiw ni BBM at Misfit Sara at ang pagbuo ng isang “Transition Council” na tatawag ng isang halalan pampanguluhan bago ang halalang panguluhan sa 2028. Hindi ito kinagat ng sambayanan.
Hindi namin masasabi kung naipahayag ng maayos ng hiwalay na kilos protesta sa Luneta ang kanilang panawagan, ngunit sa aming pagtaya, mahirap unawain ang isang programa na lihis sa Saligang Batas. Wala sinabi sa Saligang Batas ang anuman sa Transition Council.
Sa aming pagtaya, mas kinagat ang panawagan sa Trillion Peso March sa EDSA dahil hindi ito humingi ng anumang pagbibitiw ng sinumang nilalang. Mas makatotohanan na huwag magbitis si BBM dahil ang papalit ay isang sira ulong nilalang sa katauhan ni Misfit Sara. Mas malinaw at malutong ang ganitong mensahe, hindi tulad ng sa rali sa Luneta na ginagawang kumplikado ang simple. Sino ang ganap na nakakaunawa ng Transition Council?
Hindi sa gawi ng Luneta lumabas ang bahaghari. Hindi namin alam kung umulan sa gawi ng Luneta. Lumabas ang bahaghari sa gawi ng EDSA. Inulan ang rali sa EDSA. Kaya malinaw kung sino at ano ang pinaboran ng kilos protesta.
***
MASAKIT ang balik ni Kin. Sandro Marcos kay Robin Padilla (nandidiri kami na tawagin siyang senador): “Bakit ko naman susundin ang panawagan ng isang senador na ang alam lang ay makipagsuntukan?” Hindi namin alam kung ano ang konteksto ng sagot ni Sandro kay Robin pero alam namin na masakit iyon kay Robin dahil mas kilala ang huli sa kamangmangan.
Kailangan na may ganitong mabigat na salita kay Robin. Kailangan ipamukha sa kanya na bobo ang tingin sa kanya ng mas nakakarami. Hindi siya tinitingala sa anumang ambag niya sa talakayan ng maraming usapin sa bayan. It ang magiging dahilan upang itikom niya ang kanyang bibig. Hindi siya magaling at wala siyang iaambag.
***
AYON kay Kristine Conti, ang tumatayong manananggol ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK sa ICC, mayroon dalawa o tatlong abogado na Filipino sa defense team ni Nicholas Kaufman. Hindi niya kilala kung sino ang mga Filipino manananggol, bagaman sinabi niya ng kailangan ni Kaufman ng manananggol na makakapagbigay na pananaw ng Filipino sa sakdal na crimes against humanity na iniharap laban sa kanila nina Sonny Trillanes at iba pa sa ICC.
Sa opisyal na talaan ng ICC, tumatanggap ng hindi bababa sa 40,000 Euros kada buwan si Kaufman bilang professional fee mula sa pamilya Duterte. About sa P2.5 milyon ang katumbas ng naturang halaga. Hindi namin alam kung ang halaga ay para Kaufman lang o kasama na iyon sa apat pang abogado sa defense team. Ngayon, mayroon limang abogado sa team ni Kaufman na nagtatanggol kay Gongdi sa ICC.
Hindi rin namin alam kung binigyan si Kaufman ng dagdag na professional fee maliban sa 40,000 Euros na opisyal na retainer fee. Maraming dinambong ang pamilya ni Gongdi mula sa kaban ng bayan. Hindi nakakapagtaka na kumukuha sila ng iba pang manananggol.
Ang alam namin ay hindi kasama si Harry Roque sa pangkat ng manananggol ni Kaufman. Wala siyang papel na ginagampanan. Hindi siya mahalaga. Ang alam namin ay pugante siya sa batas. Tumakbo siya sa pananagutan niya sa batas. Sa salita ni Bobot Fradejas, isang kolumnista- isang “sakitin at galising aso” si Harry Roque.