Advertisers
Bilang Commander-in-Chief, mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga nagtapos ng Major Services Officer Candidate Course.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang lubos na katapatan sa Republika ng Pilipinas, lalo na ngayong nakapanumpa na ang mga bagong graduate bilang full-fledged officers in uniform ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa Pangulo, ang kailangan ng bansa ay mga sundalong may katapatan at tapang sa serbisyo, mga propesyonal na magsisilbing halimbawa sa mga susunod na henerasyon ng kawal.
Paalala rin ng Pangulo, darating ang mga pagkakataong masusubok ang kanilang katatagan ng kalooban at kakayahang magpasya.
Binanggit ni Pangulong Marcos na kabilang sa mga pagsubok na ito ang samu’t saring anyo ng korapsyon na maaari nilang kaharapin.
Kaya payo ni PBBM sa mga bagong opisyal na piliin lagi ang tama, ang bayan, ang katapatan, at ang katapangan na labanan ang anumang uri ng katiwalian. (Gilbert Perdez)