Advertisers

Advertisers

HIGIT P79-B NALUSTAY SA FLOOD CONTROL PROJECTS

0 13

Advertisers

HIGIT P79 bilyon ang malamang na nawala dahil sa mga ghost o guniguning flood control projects mula pa noong 2016 — at hindi pa kasama rito ang mga palpak o substandard na proyekto.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson, ito ay batay sa updated report na isinumite ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan niya.



“The DPWH submitted to the Blue Ribbon Committee an updated report. Combined with the new data from the Armed Forces of the Philippines and Philippine National Police inspection teams, it appears the number of ghost projects was 494 out of some 13,000 projects,” aniya.

Gayunman, binigyang-diin ni Lacson na ang P79 bilyon ay isang napakalaking halaga, lalo na kung ikukumpara sa halos P12 bilyong assets pa lang ang napa-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na konektado sa katiwalian sa likod ng maanomalyang flood control projects.



Maging ang naibalik ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara—P110 milyon noong isang buwan at posibleng P200 milyon pa sa mga susunod na linggo—ay hindi man lang halos makabawas sa laki ng nawalang pondo, dagdag niya.

“Hindi pa natin nabibilang ang substandard,” aniya sa naunang panayam sa DZBB.



Dahil dito, aniya, napakaliit ng bilang ng mga proyektong natuklasan at natalakay pa lamang ng Senate Blue Ribbon Committee. Nauna na rin niyang detalyado ang sistema ng korupsiyon sa mga substandard at ghost flood control projects sa kanyang mga privilege speech nitong Agosto at Setyembre.

Hinimok niya ang Ombudsman na i-deputize ang civil society organizations, at ang academe upang makatulong sa pagtukoy ng mas marami pang ghost projects, na aniya ay malawak ang saklaw at maaaring magpataas pa sa kabuuang nawaldas na pondo.

Dagdag pa niya, dapat magpursige ang AMLC na i-freeze ang “web of accounts” ng mga personalidad na sangkot sa naturang korupsiyon.

Samantala, sinabi ni Lacson na handa ang Blue Ribbon Committee na tumulong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), Department of Justice, at Office of the Ombudsman sa pagsusulong ng kaso laban sa mga sangkot, kung may bagong impormasyong ihaharap.

“So kung may lalabas na bagong information sa ibang lugar hopefully makatulong kami sa ICI, Ombudsman at DOJ,” aniya.

Ayon pa kay Lacson, sinimulan na ng Senado ang pagtuwid sa ilang nakagawiang kaugnay ng anomalous flood control projects sa pamamagitan ng pagpapatupad ng transparency sa pagbuo ng 2026 budget.

Kabilang sa mga hakbang ang livestreaming ng period of amendments at paglalantad ng lahat ng individual amendments ng mga senador—na magpapahadlang sa allocables, leadership funds, at iba pang anyo ng pork barrel.

“Hindi uubra (ang allocables) kasi ginawa naming transparent. Kung napanood ninyo ang aming livestreaming nag-introduce kami ng individual amendments on the floor. Dati kasi ang kalakaran, mag-submit ng kapirasong papel sa chairman. Hindi ito nakalantad,” aniya.

“Sa Senate ginawa namin kahapon. Lahat na individual amendments, pati nag-submit hindi mismong nag-introduce sa floor binasa ni Sen. Gatchalian. 11 ang binasa niyang individual amendments ng senador. At ito pagaralan ulit kung ilan ang ia-accept at ilan ire-reject,” dagdag pa niya.

Nauna nang tinukoy ni Lacson ang allocables bilang bagong mukha ng pork barrel, matapos suriin ang mga dokumento sa 2025 budget na tinawag niyang “corrupt to the core.”

Ipinaliwanag niya na ang allocables — na nagbibigay-daan para mapondohan ang mga item bago pa i-identify ng mga mambabatas — ay nasa loob ng National Expenditure Program, ang panukalang budget na inihahanda ng Executive Department bago isumite sa Kongreso.

Dagdag pa ni Lacson, nagkasundo ang Senado at Kamara na gawing simple ang bicameral conference committee proceedings upang talakayin lamang ang mga hindi pinagkakasunduang probisyon ng kanilang mga bersyon ng budget bill — at hindi anumang “alien” provision na isinisingit sa alinmang panig.

Samantala, sinabi niya na ipo-post ni Gatchalian sa transparency portal ng website ng Senado ang mga amendments at kaugnay na detalye.

“Mas simple yan at pwede naming gawing transparent yan. At yan intention namin. All the way hanggang bicam gagawing transparent, hanggang enrolled bill gagawin naming transparent,” dagdag nito. (Mylene Alfonso)