Advertisers
HINARANG ng PNP Aviation Security ang isang papaalis na pasahero matapos matukoy ang isang nakatagong bahagi ng baril sa regular na pag-screen ng bagahe ilang oras bago siya tumulak sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 patungong Butuan City noong Martes ng hapon, Disyembre 2, 2025,
Ito ay alinsunod na rin sa 7-Point Agenda ng CPNP at ang pinaigting na kampanya nito laban sa loose firearms.
Sa ulat na natanggap ni PNP- AvSeGroup Director PBGEN Dionisio B Bartolome, habang binabantayan ng isang security personnel ang X-ray sa Baggage Make-up Area, Station 1, Northwing Arrival, may nakita itong larawan na kahawig ng bahagi ng baril sa loob ng kahon na pag-aari ng isang pasaherong patungong Butuan.
Naghinala ang mga awtoridad kaya’t nagsagawa sila ng Nag-manu-manong inspeksyon sa presensya ng pasahero, na nagresulta sa pagkadiskubre ng isang (1) lower receiver.
Nang muling inspeksyunin ang laman ng kahon ay nadiskubre ang isang bagay na nakakabit sa isang pala at mahigpit na nakabalot sa tela.
Inamin ng pasahero na siya ang may-ari at inangkin na ang item ay inilaan para sa mga proseso ng paglilisensya sa Mindanao, ngunit nabigong magpakita ng anumang permit o legal na dokumento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 2 ang naarestong pasahero para sa imbestigasyon, dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso para sa paglabag sa Section 28 ng RA 10591 o mas kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.” (JOJO SADIWA/JERRY TAN)