Advertisers
Inanunsiyo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na itinaas na ang price ceiling para sa mga socialized housing units simula nitong Disyembre 1 ngayong taon.
Ito’y matapos maglabas ng joint memorandum circular ang DHSUD, kasama ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), dating NEDA.
Sa Bagong Pilipinas Ngayong Public Briefing, sinabi ni DHSUD Senior Undersecretary Henry Yap na sakop ng adjustment ang iba’t ibang uri ng socialized housing, kabilang ang subdivision at condominium projects.
Aniya, layunin nitong i-ayon ang presyo sa kasalukuyang gastos sa konstruksyon upang masiguro ang tuloy-tuloy na supply ng abot-kayang pabahay.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, tinaas sa ?950,000 ang maximum selling price para sa horizontal o house-and-lot packages na may 27 square meters pataas. Para naman sa mga unit na may sukat na 24 sqm hanggang mas mababa sa 27 sqm, itinakda ang bagong price ceiling sa ?844,440.
Samantala, tiniyak naman ni Yap na patuloy ang pagtutulungan ng mga ahensya upang matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga pabahay para sa mga pamilyang Pilipino. (Gilbert Perdez)