Advertisers
Ni Rommel Gonzales
Nagpaka-aktres si Angeline Quinto sa pelikulang Ang Happy Homes Ni Diane Hilario na siya ang producer katuwang ang KreativDen.
Ayon pa kay Angeline, naka-relate siya sa ibang mga eksena sa pelikula.
“Isa sa conflict sa kuwento ng pelikula ay yung kinupkop niya ang isang adik, si Joshua [played by Carlo San Juan], na tinutugis ng mga pulis,” kuwento ni Angeline.
Itinago ni Diane (Angeline) si Joshua sa mga kapitbahay niya at sa tunay na buhay, noong boyfriend pa lang ni Angeline ang asawang si Nonrev Daquina ay itinago niya ito sa kanyang bahay dahil tutol sa relasyon nila ang ang manager ni Angeline.
Ilang linggo rin daw na nagtatago sa bahay niya si Nonrev na walang nakaalam.
“Kasi yun talaga yung totoo. Parang dumating po sa point na nung nag-umpisa kami ng asawa ko, talagang itinatago ko siya sa bahay.
“Dahil natanong nga po ako kung ano ang isa sa mga eksena na naka-relate ako, parang iyun talaga ang unang pumasok sa isip ko, e.”
Parte iyon ng nakaraan, ngayon ay happily married na sina Angeline at Nonrev.
“Parang kapag naman po tayo… kapag puso na ang humatol. Wow! Pagdating naman po sa pag-ibig, parang lahat naman, ipinaglalaban natin.
“Ako naman siguro, kumbaga, masaya ako, masayang-masaya po ako. Kasi siyempre, masaya yung family ko.
“Nandiyan si Sylvio and Sylvia, dahil kay Nonrev. Wala naman po akong mahihiling pa,” pagtukoy ni Angeline sa dalawa nilang anak ni Nonrev.
Palabas ngayon sa mga sinehan Ang Happy Homes ni Diane Hilario sa direksyon ni Marlon Rivera at nasa cast rin sina Eugene Domingo, Paolo Contis, Richard Yap, Kenken Nuyad at marami pang iba.
Deboto ng Mahal na Poong Nazareno si Angeline.
At isa sa mga ipinagdarasal niya ay ang patuloy na paggaling ng kapatid niyang lalaki na nasa rehab.
“Iyon talaga ang dinadasal ko, e. Alam niyo yun, parang kapag wala ka na talagang maibibigay, minsan dumarating sa buhay natin na parang isusuko na lahat sa Panginoon.
“So, hindi naman ako binigo ni Lord. Talagang naging maayos naman po yung kapatid ko sa ngayon.
“Iyun po ang sinasabi ko sa kanya, hindi naman kami every day na magkasama, kasi nandun pa rin siya [sa rehab] hanggang ngayon.
“Sabi ko, ‘Alam ko namang hindi mahirap yung pinagdadaanan mo.’ Kasi may family siya, weekly nakakasama niya ang anak niya, ang asawa niya.
“Sabi ko, ‘May awa ang Diyos, basta tuloy lang ang dasal. Alam ko naman na gusto mo magbago para sa sarili mo at sa family.’
“Sana mapanood niya yung movie namin,” pahayag pa ni Angeline.