Advertisers

Advertisers

GOBYERNO, PAILALIM INUUPAKAN NG KANO

0 5,899

Advertisers

MATAPOS sumambulat ang daang bilyones na flood control project scam at ang iligal na pag-aalis ng mga nakalaang pondo para sa Philhealth at mga sobrang pondo sa iba pang mga ‘GOCCs’ (government owned and controlled corporations) para maisama sa ‘unprogrammed appropriations’—at makulimbat ulit— kapansin-pansin na ang mga nangunguna sa pagbubunyag ay mga nagpoposturang ‘independent media outlets’ katulad ng Rappler, PCIJ, etc.

Matagal nang bistado na sa pangalan lang “independent” ang mga ito dahil ‘on the record’ na tumatanggap ng sustento mula sa mga Kano, sa National Endowment for Democracy (NED) na prente ng Central Intelligence Agency (CIA) at iba pang mga grupong dayuhan na ginagamit ng mga Kano at ng EU sa kanilang mga ‘regime change operations.’

Aktibo rin sa pagbubunyag ang mga media outlets na kontrolado ng mga oligarko na siyempre pa ay mga lokal na “bata” ni Uncle Sam bilang mga “burgesyang komprador.” Katulad ni Uncle Sam, ang interes nila ay hindi ang maayos na pamamalakad sa gobyerno bagkus, ang kanilang patuloy na pagkontrol sa malalaking tipak ng ating ekonomiya.

Sa puntong ito, dapat lang mabahala ang administrasyon dahil kitang-kita ang pagiging “doble kara” ng mga Kano sa pakikitungo sa atin: tinatawag tayong kaibigan at kaalyado pero pailalim namang tinatrabaho ang istabilidad ng ating gobyerno gamit ang kanilang mga lokal na galamay sa media at mga bayaran nilang ‘NGOs’ (non-government organizations).

Kumbaga, mistulang “sinasadya” ng mga Kano na maging mahirap para kay PBBM na patakbuhin ang gobyerno dahil hindi niya alam sa bawat araw kung ano na namang ‘demolition job’ ang ilulunsad ng mga tuta ng Kano laban sa kanya.

Noong isang taon, nagpanukala si National Security Adviser Secretary Ed Año na panahon na para irehistro ang mga ‘NGOs.’ Ang “target” ng kanyang panukala ay mga NGOs na prente ng CPP-NPA para makakalap ng pondo at patuloy na makapanggulo sa bansa.

Bagaman maganda ang panukala, alam nating hindi ito maipatutupad dahil kulang sa ‘political will’ ang gobyerno na bawasan ang sobrang pakikialam ng mga dayuhan sa atin gamit ang kanilang mga NGOs.

At marahil, hindi napansin ni Sec. Año na ang pinakamalaking ‘funder’ ng mga NGOs ay mga Amerikano at ang EU na nagpapakilala bilang mga “kaibigan” at mga “kaalyado” natin.

Siyempre pa, kasama rin sa kanilang pinopondohan ay ang mga prenteng NGOs ng CPP-NPA kaya sa ganitong kalakaran, ano na ang gagawin ng gobyerno aber? Kalabanin ang amo milang Amerikano?

Sabi nga ni ex-US State Secretary Henry Kissinger, “delikado” na maging kaaway ng Amerika pero “nakamamatay” na maging kaibigan ng Kano (It may be dangerous to be America’s enemy, but to be America’s friend is fatal).

At sa itinatakbo ng mga pangyayari, mukhang mauulit ang sinabing ito ni Kissinger.

Abangan!