Advertisers
SA muling pagbubukas ng San Juanico Bridge sa two-way traffic, muling nasilayan ng mga taga-Samar at Leyte ang pag-asa na matagal nilang hinintay.
Ilang buwan ding tiniis ng publiko ang abalang dulot ng pagkukumpuni, ngunit sa kabila nito, nagpakita ng malinaw na mensahe ang pamahalaan.
Aba’y kailangang tiyakin ang kaligtasan at tibay ng imprastrukturang matagal nang naging haligi ng pag-unlad sa Eastern Visayas.
Ang 15-ton load limit ay maaaring pansamantala. Ngunit simbolo ito ng unti-unting pagbangon ng tulay na minsang ikinabahala ng buong rehiyon.
Sa inspeksiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit niya na ang ganap na rehabilitasyon ay matatapos sa 2026, isang pagtatapos na magiging mahalaga hindi lamang sa daloy ng transportasyon kundi sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga residente sa lugar.
Aminado si PBBM na ang pagsasara ng tulay noong Hunyo ay mahirap ngunit kinakailangang hakbang para sa kaligtasan na rin ng publiko.
Malinaw na sinabi ng Pangulo na ang ilang dekada ng kapabayaan ang tunay na ugat ng krisis na kinaharap ng San Juanico.
Hindi lamang ito usapin ng pundasyon at bakal kundi usapin ng administrasyon at pananagutan.
Ang tinuran ng Chief Executive tungkol sa P1.1 bilyong gastusin para sa retrofitting ay isang mabigat na paalala.
Kung naging sapat daw kasi ang maintenance noon, hindi sana umabot sa ganoon kalaking halaga ang pagkukumpuni o rehab cost.
Bagama’t nagsikap ang DPWH na tugunan ang problema—mula sa portal shoring works hanggang sa pagpapairal ng regulated traffic—batid nating ang tunay na aral ay nasa pagkilala sa kahalagahan ng pangmatagalang pag-aalaga sa nabanggit na tulay.
Hindi maaaring hintayin ang pagkasira bago kumilos. Dapat ay may kultura ng maagap at tuluy-tuloy na pangangalaga dito.
Higit pa sa istrukturang bakal ang San Juanico Bridge na nagdurugtong sa Samar at Leyte.
Isa itong simbolo ng pagkakaisa, pagbangon at kabiguan na nagbigay ng aral sa kasalukuyan.
Habang hinihintay natin ang ganap na rehabilitasyon nito, nawa’y magsilbi itong paalala sa lahat ng nasa pamahalaan—mula ngayon at sa mga darating pang panahon—na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nakikita sa pagtatayo ng malalaking proyekto kundi sa tapat at tuluy-tuloy na pangangalaga sa mga ipinundar ng pamahalaan para sa bayan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.