Advertisers
KRITIKAL ang linggong ito dahil takdang panahon ito na ipinangako ni Ombudsman Boying Remulla upang magdedesisyon ang kanyang tanggapan kung sino sa mga senador ang makukulong “bago sumapit ang Pasko.” Umugong ang balita na tatlong senador – Chiz Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada, at isang dating senador – Bong Revilla – ang mga nanganganib na humimas ng malamig na rehas bago ang Pasko.
Itinuturo sila ng mga dating mataas na opisyal ng DPWH na sangkot sa flood control scandal na tumanggap ng mga daang milyong piso salapi bilang kanilang bahagi sa ninakaw na pondo ng bayan. Ginamit nila ang kapangyarihan ng Kongreso na nagsingit ng mga item sa national budget kung kinupit nila ang malaking bahagi upang patabain ang mga sariling bulsa.
May matwid na umasa tayo na makukulong sila ngayong Pasko dahil ipinangako ni Remulla na may magbabayad sa pandarambong sa kaban ng bayan. Ipinangako niya na iikot ang gulong ng hustisya upang parusahan ang mga sangkot sa iskandalo. Pangunahin sa mga iyan si Escudero na pinatay ang sariling political career upang pangalagaan lang ang isa pang korap, Sara.
***
PARANG mga manok na pinutulan ng leeg ang mga pekeng environmental group nang sumagot ang gobyerno sa kanilang mga patutsada sa social media. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin at isasagot. Maliban sa isang may diperensya sa pag-iisip na naghamon ng “debate,” wala silang malinaw na sagot sa paliwanag ng interagency committee na binubuo ng DILG, DPWG, DENR, at DoTr hinggil sa isyu ng pagkawasak ng kaligiran na kanilang iginigiit.
Una, hindi totoo na nagkaroon ng soil erosion sa baybay-dagat ng Zambales at nawasak ang ilang bahay at istraktura tulad ng kanilang ipinagmamagaling. Hindi soil erosion ang dahilan ng kanilang pagkawasak. Malalakas na alon at hanging habagat ang sanhi ng pagkawasak. Totoong kamangmangan ang dahilan kung bakit hindi nila ito naunawaan.
Ikalawa, totoong may dredging operations sa tatlong ilog sa bayan ng San Felipe sa Zambales. Masyadong tumaas ang tatlong ilog – Maloma, Bucao at Sto. Tomas – dahil sa pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991. Kailangan itong bungkalin at alisin ang mga bato, buhangin, at lahar na ibinuga ng bulkan. Paraan ito ng gobyerno upang pasiglahin ang daloy ng tatlong ilog at maiwasan ang baha sa lalawigan.
Ikatlo, walang gastos ang gobyerno sa dredging operations hindi tulad ng pagbubungkal sa ibang ilog at waterway system. Pribadong kompanya ang nagbubungkal at ginagamit ang mga makuhang bato, buhangin, at lahar sa ibang paraan. Kumikita pa ang gobyerno dahil nagbabayad ang mga pribadong kompanya sa mga nakuhang materyales sa tatlong ilog.
Labis na kamangmangan at kakulungan sa masusing pagsusuri ang problema ng mga pekeng enviromental group sa Zambales. Dahil nga mga peke sila, mararamdaman na may iba silang pakay sa kanilang ipinaglalaban umano. Huwag pabobola sa kanila. Wala silang kredibilidad. Wala silang kakampi sa kanilang adbokasiya umano.
***
KAPURI-PURI ang pahayag ni Robin Padilla na wala siyang balak na tumakbo sa reeleksyon sa 2028. Wala siyang silbi. Walang pakinabang ang bayan kay Robin. Kalabisan si Robin na manatili sa Senado dahil wala siyang malinaw na ambag.
Mabilis na lumipas ang tatlo at kalahating taon, ngunit wala tayong maalala na ambag ni Robin sa Senado at sa buong sangkatauhan. Palagi siyang lihis sa paksa ng usapan sa buong bansa. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin sa Senado.
***
MG SALITANG DAPAT TANDAAN: “I swear, the bigger the bully, the smaller the dick.” – Clive Barker in the “Scarlet Gospels”
“Lest the public conclude that Stinking Pinoy has a point, let me say he has none whatsoever. He does not understand the nature of legislation, particularly the budget process. He has not covered Congress and, ergo, he hardly has working knowledge on the legislative processes, particularly the complicated budget processes.” – PL, netizen,
“Hindi lang dapat bawasan, hindi lang dapat i-zero. Dapat tanggalin na ang unprogrammed appropriations. Bagamat binawasan na sa Senate version yung unprogrammed appropriations, meron pa rin. But there should be no place in the budget for the so-called unprogrammed appropriations. It’s unconstitutional.” – Leila de Lima
***
Email:bootsfra@gmail.com